Exclusive: Pinay tricked into prostitution in Dubai

Posted at Jan 04 2011 12:01 AM | Updated as of Jan 04 2011 12:19 PM

Gamit lang ang tourist visa, nasilaw ang 33-anyos na si “Rose” sa pangako ng kanyang recruiter na bibigyan siya ng trabaho sa Dubai. At dahil nais maiahon sa hirap ang tatlong anak at mga magulang, kinagat ito ni Rose at nakaalis nitong Disyembre nang walang binayaran.

"Gusto ko pong makapag-aral ang mga anak ko dahil nahihirapan na po nanay ko, nagwawalis lang po iyon," ani Rose.

Laking pagsisisi niya na babagsak pala siya sa isang club na ang tanging paraan para kumita ay magbenta ng katawan.

"Sa dalawang lalaki, minsan salit-salitan, minsan sabay pa. Masakit po kasi hindi ko naman po gusto eh. Pag hindi po ako sumunod, malalagot daw po ako," dagdag ng nangingiyak na Pinay.
  
Kuwento pa ni Rose, P200,000 ang hinihinging kabayaran ng kanyang amo dahil sa libreng pagpapalipad sa kanya.
  
Sa huli, nakatakas si Rose sa employer. Binantaan niyang kakasuhan ang recruiter niyang si Mario Villanueva.

Sa takot, binilhan si Rose ng tiket ni Villanueva para makauwi. Sa kabila nito, desidido si Rose na tuluyang kasuhan ng human smuggling si Villanueva.

"Hindi naman po ticket ang katumbas ng ginawa nilang iyon eh. Sobrang pangbababoy naman po iyon eh," sabi ni Rose.

"Hindi ako titigil hanggang mabigyan ng katarungan ang ginawa nila sa anak ko. Itaga mo iyan sa bato," sabi naman ng kanyang ina.

Muli namang nagbabala ang OWWA sa mga madaling masilaw sa pag-a-abroad.
  
"Ito ay isang scheme na ginagamit ng mga illegal dealers," sabi ni Carmelita Dimzon, OWWA administrator. "Wala namang katiyakan na makakakuha ka ng trabaho doon eh."

Dagdag pa ng OWWA, walang proteksyon sa batas ang mga hindi dadaan sa ligal na proseso. Dominic Almelor, Patrol ng Pilipino