'Immunity sa mga Marcos, di mabibigay ng Kongreso'

ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2017 12:28 AM | Updated as of Sep 07 2017 02:00 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Iginiit ng isang mambabatas na walang kapangyarihan ang Kongreso na magbigay ng immunity, o proteksiyon mula sa habla, ang mga Marcos.

Taliwas ito sa naunang sinabi ni Pangulong Duterte na Kongreso lamang ang puwedeng mag-waive ng criminal liability o magbigay ng immunity sa mga Marcos.

Ayon kay Kabayan Representative Harry Roque, kung gagawa ng batas ang Kongreso na magbibigay ng immunity sa mga Marcos, maaari aniya itong makuwestiyon sa Korte Suprema.

"We could probably legislate, put it in very generic language... this will be parang a form of amnesty… some will argue that this can be patently unconstitutional on the provisions on good government because it will accord impunity to those who are corrupt in government," ani Roque.

Naguguluhan naman si House Speaker Pantaleon Alvarez at ang iba pang mga mambabatas sa hinihingi ng Malacañang na "authorization" para sa umano'y pakikipagnegosasyon.
 
Duda rin sila kung seryoso ang pamilya Marcos na ibabalik ang bahagi ng umano'y nakaw na yaman.

"Baka mamaya, di naman seryoso 'yan. O ano ba 'yong gusto niyong i-surrender, di ba bago tayo magsayang ng oras diyan," ayon kay Alvarez.

"Dapat makita natin 'yong gold. Nasaan and how much?," dagdag pa ni House Minority leader Danilo Suarez.

Samantala, sinabi ni Vice President Robredo na dapat aminin muna ng mga Marcos ang nagawang pagkakamali bago pag-usapan ang immunity.  

Ani Robredo, nagnakaw nang malaking halaga ng pera ang mga Marcos kaya dapat na sila ay humingi ng tawad.

Tingin naman ng ilang biktima ng rehimeng Marcos, bahagi ito ng plano ng mga Marcos na makabalik sa Malacañang kaya bigla nilang gustong magbalik ng yaman.

"Heto 'yong mga magnanakaw... ayaw aminin na sila ay nagnakaw, pero isasauli 'yong mga ninakaw nila," ani Atty. Rod Domingo, abogado ng martial law victims.

Giit din ng dating biktima ng batas militar at ngayo'y si Albay Representative Edcel Lagman, insulto sa taumbayan na kalimutan ang pananagutan ng mga Marcos sa bayan.

Wala pang detalyeng ibinibigay ang pamilya Marcos tungkol sa pagsasauli ng kanilang yaman.

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.