'Father Jejemon' hurdles 2nd MTRCB review

Posted at Dec 22 2010 11:51 PM | Updated as of Dec 23 2010 11:06 AM

Kasunod ng pagbatikos sa mga kontrobersyal na eksena sa filmfest entry ni Dolphy na "Father Jejemon," pinaburan kanina ng MTRCB ang pagbibigay ng General Patronage rating sa pelikula.

Ito'y matapos ng mahabang diskusyon sa second review ng pelikula, na nanganib na tatakan ng PG-13 rating.

Pinagdebatehan ang merits ng pelikula nina Father Nick Cruz ng MTRCB, Father Larry Faraon, na consultant ng RVQ Productions, at healing priest Father Fernando Suarez na inimbitahan ng MTRCB.

"Overall, maganda ang pelikula. Maganda at very positive ang mga values. Iyon lang talagang scenes na dapat talagang tanggalin pero maganda ito at may aral," sabi ni father Suarez.

"Ako'y natutuwa kasi kahit mga bata puwedeng mapanood ito," sabi naman ni Mary Grace Poe Llamanzares ng MTRCB.

Kabilang ang kongregasyon ni Father Suarez sa mga nanawagang iboykot ang “Father Jejemon” dahil sa mga eksena kung saan nahulog ang banal na ostiya sa didbib ng isang babae at dumikit sa pustiso ng isang nangungumonyon.

Boluntaryo nang pinaputol ang kontrobersyal na eksena.

Himutok lang ni Pidol, ang panawagang iboykot ang pelikula.

Nakahinga na ng maluwag ang may sakit nang Comedy King sa kahihinatnan ng paniwala niya’y last movie na niya.

Tuloy ang premiere ngayong gabi dahil sa “go signal” ng MTRCB.

Sa gitna ng matinding showdown ng naglalakihang entries, suportado si Pidol ng ibang MMFF stars sa kanyang pelikula at pinagdadaanan.

"I'm sure he'll be okay. Alam mo naman si Dolphy, fighter iyon eh," sabi ni Vic Sotto.

"Lahat ng sa show biz, mahal ko," sabi naman ni Dolphy.

Tanging hangad lang ni Pidol, patuloy na maghatid ng saya sa industriyang minahal niya ng mahigit kalahating-siglo. Mario Dumaual, Patrol ng Pilipino.