MMDA chief: Gov’t should turn over MMFF management

Posted at Dec 13 2011 10:37 PM | Updated as of Dec 14 2011 06:37 AM

Hitik sa eksena ang paglulunsad ng Metro Manila Film Fest.

Pinakamaingay ang grupo ng “Yesterday, Today and Tomorrow” at ng indie movie na “Pintakasi” na prinodyus ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos.

Kabilang din sa 15 napili sa indie movie showcase ng MMFF ang “HIV” ni Jake Cuenca at ang “Jagwar” ni Ogie Diaz, kabilang din.

Bida rin sa okasyon ang mga indie stars at college filmmakers na napili sa new wave independent section ng film fest.

Pambihirang sandali rin ang bonding nina MTRCB Chair Grace Poe Llamanzares at ang kapatid na si Lovi Poe, kasabay ng 7th death anniversary bukas ni FPJ.

Ani Grace, “Siyempre ibang-iba na ngayon. Kung buhay si FPJ, matutuwa ‘yon sa mga kakayahan ngayon sa special effects. Nagpapasalamat ako, napakahalaga na mamulat tayo sa indie films.”

Matensyon naman ang pagkukrus ng landas nina Laguna Gov. ER Ejercito at Mother Lily Monteverde na pinagbawalan umano si Carla Abellana na i-promote ang pelikulang pinagtambalan nila ni ER.

Kuwento ni Carla, “Wala naman siyang sinasabing bawal, bawal. Wala naman siyang sinasabing gano'n. But, because exclusive movie talent ako ng Regal ay ‘yon siyempre ang priority ko is ‘yung ‘Yesterday, Today and Tomorrow.’”

Nawala namang parang bula ang isa sa bida ng pelikula na si Maricel Soriano.

Nakakagulat naman ang pahayag ni MMDA Chair Francis Tolentino na dapat nang bumitaw ang gobyerno sa pangangasiwa ng film fest at ipaubaya na lang ito sa mga taga-industriya.

Inaasahang aabot sa mahigit P600 million ang kikitain ng MMFF ngayong taon. Mario Dumaual, Patrol ng Pilipino