Helping people drove Dagul to run in polls

Posted at Oct 25 2010 10:43 PM | Updated as of Oct 26 2010 09:36 AM

Kilala siya bilang katsokaran ng mga child stars sa top rating na comedy gag show na "Going Bulilit." Ngayon,  bagong  kulay ang dinadagdag ng midget na komedyanteng si Dagul sa kasaysayan ng halalan sa Pilipinas.

Isa siya sa mga libu-libong tumakbo sa barangay elections bilang kagawad sa Rodriguez, Rizal, ang una niyang subok sa pulitika.

Pagdating sa presinto, binuhat at kinarga pa si Dagul para matapos ang pagboto.

Day care centers at  pagtalaga ng mas maraming manggagamot ang pangarap ni Dagul sa kanyang barangay.

Ayaw niyang magpaapekto sa isyung sagabal ang kanyang kundisyon sa kanyang paglingkod sa bayan.

"Hindi naman sinusukat iyan sa laki o liit. Ang [bentahe] diyan, sa galing," aniya.

Malayo na ang narating ng  52 years old na Ilonggong si  Romy Pastrana na nadiskubre ni Randy Santiago noong 1998, at tinawag na Dagul o "malaki" dahil sa 2 feet na height.

Pamilyado na rin siya, at mas mataas pa sa kanya ang ibang mga anak. Sana daw, maging positibo ang bilangan ng balota para sa kanya

"Basta masama lang sa pito. At least ang [aim] ko naman, magserbisyo," ani Dagul.

Manalo o matalo, nagtagumpay na si Dagul sa pagbigay ng inspirasyon sa mga taong gustong lagpasan ang pisikal na pagkukulang; at sa pagpapakitang puwede ding maging pantay  ang lahat sa magulong larangan ng pulitika sa Pilipinas. Mario Dumaual, Patrol ng Pilipino