Vilma Santos meets Kim Chiu

Posted at Aug 23 2011 10:30 PM | Updated as of Aug 25 2011 02:15 AM

Mistulang fans' day ang pagbabalik ni Batangas Governor Vilma Santos sa ABS-CBN.

Emosyonal ang ilang Vilmanians sa tour ni Ate Vi, kasama sina Malou Santos at iba pang opisyal ng kompanya, sa bagong opisina ng Star Cinema.

Ikinatuwa rin niya ang espesyal na puwesto ng mga poster ng kanyang pelikula.

Personal na sumalubong sa kanya si Kim Chiu na makakatambal niya sa kanyang comeback movie matapos ang 2 taon.

Sabi ni Chiu, “Nasa-starstruck pa ako. Teka lang, wala pa akong masabing word, nag-wave lang ako.”

Sagot ni Santos, "Ang bago dito, kasama ko si Binondo Girl, excited ako ‘don."

Matatandaang unang nakita ni Vilma ang husay sa pag-arte ni Kim Chiu nang magpa-acting workshop siya noon para sa Star Magic talents.

Ginampanan ni Kim ang award-winning role ni Vi bilang AIDS victim na si Dolzura Cortez.

"Tingnan niyo po kung nasan si Kim ngayon, di ba? I am so proud of you," sabi ni Santos.

Nagpasalamat si Chiu rito. "Wow, thank you so much. Isang malaking karangalan siyempre ang makatrabaho ang isang Governor Vilma Santos. Sobrang thankful ako na pinagbigyan niya ‘tong chance na ‘to. Sobrang ang saya-saya."

Si Direktor Chito Roño mismo ang bumalangkas ng pagsasamahan nina Ate Vi at Kim Chiu, ang drama horror-thriller na "The Healing.”

“Medyo namimili rin ako ng puwedeng gawin [na pelikula]. Since isa lang [ang puwede piliin], eh piliin mo na ‘yong maganda. Bihira pero at least kayang ipagmalaki,” sabi ng Star for All Seasons.

Higit sa lahat, nagpapasalamat si Vilma dahil pinayagan siya ng mga Batangueño na balikan muli ang una niyang pag-ibig bilang artista. Mario Dumaual, Patrol ng Pilipino