Vhong Navarro at Deniece Cornejo, sabay ang movie premiere

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2017 09:02 PM | Updated as of Aug 23 2017 12:44 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Nagkasabay nitong Martes, Agosto 21, ang premiere ng kaniya-kaniyang pelikula nina Vhong Navarro at ang dati'y nag-akusa sa kaniya ng rape na si Deniece Cornejo. 

Ipinalabas sa magkahiwalay na sinehan sa Mandaluyong ang "Woke Up Like This", pelikula ni Navarro, kung saan ito gumanap bilang isang babae, at ang "Broken Hallelujah" ni Cornejo, na gumanap bilang misis ng isang NBI agent. 

Masaya man sa kaniya-kaniyang pelikula, panay naman ang salag ng dalawa sa mga tanong tungkol sa muling pagbuhay ni Cornejo ng kasong rape laban kay Navarro.

Ayon kay Cornejo, sinusunod niya lang ang payo sa kaniya ng abogado na huwag magsalita tungkol sa kaso. 

Nauna na ring iginiit ni Navarro na ayaw niya nang pag-usapan ang isyu dahil lahat naman daw ay nasabi niya na noon.

Sinuportahan si Navarro sa movie premiere ng leading lady niyang si Lovi Poe, kasama sina Billy Crawford, Coleen Garcia, Janella Salvador, at iba pang artista.

Kabilang din sa mga dumalo sa event si Myrtle Sarrosa na nanood habang nakaupo lang sa likod niya ang ex-boyfriend na si Brian Poe Llamanzares. 

Katabi ni Brian manood ang ngayo'y girlfriend niyang Binibining Pilipinas 2016 1st runner-up na si Angelica Alita.

Wala namang kaso ito kay Myrtle. Aniya, pareho na silang nakapag-move on ng ex mula nang maghiwalay sila noong 2015.

-- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.