SONA red carpet showcases fashion, causes

Posted at Jul 26 2011 12:01 AM | Updated as of Jul 26 2011 08:01 AM

Makatawag pansing kasuotan ng ibat-ibang klaseng terno, baro't saya at makukulay na kasuotang Muslim sa red carpet ng State of the Nation Address (SONA).

Taun-taon mayroon talagang mga miyembro ng media na red carpet fashion ang tinututukan.

Hindi lamang kasi ang talumpati ng Pangulo ang binabatikos. Inuusisa rin ang mga kasuotan ng dumadalo sa SONA.

Kaya ang ilang mambabatas, ginawang daan ang red carpet sa SONA para mapansin ang isinusulong nilang batas at hinaing sa administrasyon.

Gaya nina Gabriela party-list Representative Luzviminda Ilagan at Teddy Casiño ng Bayan Muna.

Ang suot ni Senator Pia Cayetano na modernong terno, simbolo ng Pinay na sumusuporta sa Reproductive Health bill.   

Si Senator Alan Peter Cayetano, gawa sa water lily ang barong.

Bilang pagpapakita naman ng suporta sa Pangulo, pati kuko ay pinintahan ng dilaw na ribbon ng asawa ni Deputy Speaker Raul Daza na si Tessie.

Ipinagmalaki naman ni Represenatative Nur Anna Sahidulla ang pinagmulang distrito. Mismong si US Ambassador to the Philippines Harry Thomas Jr. ay nabighani sa mambabatas.

Hindi naman nagpahuli sa kanyang signature terno si Ilocos Norte Congresswoman Imelda Marcos.

“This is my old gown,” sabi ni Marcos.

Luma pero elegante ang baro’t saya ng aktres na si Helen Gamboa kasama ang asawang si Senador Tito Sotto.

Simple sa black and white na Filipiniana si Senator Loren Legarda.

Lumutang din ang ganda ng mga actres-politician na sina Lani Mercado at Lucy Torres-Gomez.

Hindi naman nagpahuli ang Presidential sister na si Kris Aquino suot ang terno gawa ni Cary Santiago.

Kapansin-pansin naman ang pagtatabi nila ni Makati Mayor Junjun Binay na kamakailan lang ay sinasabi niyang iiwasan na niya.

Sa tweet ni Kris sinabi nyang nagkabati na sila ni Binay.

Humabol naman sa red carpet sina Congressman Manny Pacquiao at misis na si Jinkee suot ang hot pink na terno.
   
Tanggap ng mga dumadalo sa SONA na parte na nito ang SONA fashion pero ang dapat tandaan ay ang diwa ng okasyon.

Kaya piniling maging simple ng Pangulo. Sa katunayan ay siya na lang ang nag-ayos sa sarili. Marie Lozano, Patrol ng Pilipino