Sarah excited over 3rd movie with John Lloyd

Posted at Jul 07 2011 10:50 PM | Updated as of Jul 08 2011 11:49 AM

Sa kanyang pagbalik mula sa Amerika, isinalang agad si Sarah Geronimo sa rehearsals ng “What Love Is” concert tour nila ni Martin Nievera.

Birthday treat na rin ito ni Sarah na malapit nang maging 23 anyos sa July 25.

“Gusto ko mag-focus sa aking career at sa aking relasyon sa aking mga magulang, sa aking pamilya at Diyos. Darating din [ang love life] kung darating. Kung hindi, eh ‘di hindi,” sabi ni Sarah.

Nauna nang nag-aral si Sarah ng voice at dancing sa Amerika nitong Hunyo.

Natuwa si Sarah sa pagbubuo ng Viva Films at ng Star Cinema ng third movie nila ni John Lloyd Cruz na may working title na "It Takes a Man and a Woman".

“Siyempre excited akong magtrabaho po ulit. Special sa akin [si John Lloyd]. Special siya sa ating lahat dahil napakagaling na aktor at mabait na kaibigan,” sabi ni Sarah.

Sa hindi mamatay-matay na isyu ng kanyang paglipat sa ibang network sa pagtatapos ng kanyang kontrata sa ABS-CBN, naninindigan na si Sarah.

“Ayaw kong umalis. Please huwag, please Lord. Siyempre kung gusto ho ako ng aking Kapamilya station na nandoon sa kanila, aba eh masarap ho sa pakiramdam iyon. Kung ayaw na nila sa akin, nakakalungkot naman iyon. Ako ayaw ko pong umalis,” sabi ni Sarah.

Pagkakataon na rin ito ni Sarah na itanggi ang balitang hiwalay na ang kanyang mga magulang.

“Nakita ko naman po kung gaano kamahal ng tatay ko ang nanay ko at ganoon din ang nanay ko,” giit ni Sarah.

Nakatakda nang bumalik si Sarah sa ASAP sa Linggo. Mario Dumaual, Patrol ng Pilipino