ABS-CBN News

Dolphy's health continues to improve

Posted at | Updated as of 07/06/12 6:38 AM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Sampung araw ng nagbabantay ang pinaka-panganay na anak ni Dolphy na si Manny Boy Quizon, ama ni Boy 2 Quizon, sa ospital.

Galing pang Amerika si Manny Boy na agad napauwi ng Pilipinas nang mabalitaan ang nangyari sa ama.

Ayon kay Manny Boy, nakikita nilang magkakapatid na lumalaban at hindi sumusuko ang kanilang ama.

Masaya sila sa pagbuti ng lagay ng ama lalo sa mga nakalipas na araw, nakukuha pa raw ni Dolphy na parating maging masiyahin.

“Kapag okay na okay siya sasabihin niya, ‘Love you too,’” sabi ni Manny Boy.

Maging ang anak na si Mariquita Quizon, lumipad mula Amerika para tutukan ang kondisyon ng ama.

Kumpara raw sa mga nakalipas na araw na laging gising si Dolphy, kaninang umaga raw dahil sa pulmunya, ay lagi ulit tulog ang ama.

“Responsive siya. Ang vital signs niya stable so far. Kapag tinatawag mo siya, gumigising naman siya,” sabi ni Mariquita.

Parehong nasa medical profession ang magkapatid, si Manny Boy nagtatrabaho bilang mobile operation at supply manager sa isang medical company at si Mariquita, isang dialysis technician.

Kaya todo-bantay ang magkapatid tuwing sumasailalim sa medical procedure o mada-dialysis si Pidol.

“Since we know about it, nagsu-suggest kami or we ask kung ano ‘yung hindi dapat ibigay at kung ano ang makakatulong sa kanya,” sabi ni Mariquita.

Malungkot man na yugto ito sa pamilya Quizon, pagkakataon naman ito para sa mistulang reunion nilang magkakapatid.

Sa July 25 na ang ika-84 na kaarawan ni Dolphy.

Ayon sa magkakapatid, hindi pa raw makapagdesisyon ang buong pamilya kung saan at papaanong paraan ipagdiriwang ang kaarawan ng ama.

Pero ang pinaka-importante raw ay sama-sama at buo silang pamilya. Gretchen Malalad, Patrol ng Pilipino