Mainstream actors topbill 8th Cinemalaya

Posted at Jul 03 2012 11:13 PM | Updated as of Jul 04 2012 08:30 AM

Sa kulay ng mga istorya at dami ng makikislap na pangalan sa commercial at indie movie-making, matuturing ang 8th Cinemalaya 2012 filmfest na mas malaki pa sa Metro Manila Film Festival.

Kabilang sa mga tampok sa New Breed section si Dawn Zulueta bilang ina ng mga kambal sa “Ang Nawawala” ni Marie Jamora.

Ama naman si Coco Martin sa “Santa Nina” ni Manny Palo na isinusulong ang pagka-santa ng kanyang anak na nadiskubreng ‘di pa naagnas matapos malibing sa lahar ng Pampanga ng 10 taon.

Ang 7th Cinemalaya Best Supporting Actress naman na si Sharmaine Centenera ang bida sa comedy na “Requieme” na halaw sa istorya ng Fil-Am na si Andrew Cunanan na pinatay ang designer na si Gianni Versace noong 1997.

Ipapakita naman ng “The Animals” ni Gino Santos ang isa pang mukha ng buhay high school tampok si Albie Casino.

Sa Director’s Showcase category, inaabangan naman ang “Bwakaw” ni Jun Lana, tampok si Eddie Garcia bilang 75-anyos na bading, “Kalayaan” ni Adolf Alix, Jr. tampok sina Zanjoe Marudo at iba pa bilang malulungkot na sundalo na nakakakita ng sirena sa Spratly Islands.

Iikot naman ang istorya ng “Mumunting Lihim” ni Joey Reyes sa iniwang diary ni Judy Ann Santos na susubok sa pagkakaibigan nila nina Iza Calzado, Janice de Belen at Agot Isidro.

“Ang natutunan ko sa lahat ng pagkakaibigan lahat may sikretong tinatago. Hindi nabubuo ang isang friendship kung palagi kayong open sa isa’t-isa, may itatago at itatago kayo,” sabi ni Judy Ann.

Tatakbo ng 10 araw ang Cinemalaya simula July 19 sa CCP at ilang piling sinehan sa Makati.

Umaasa naman ang mga bituin na mas dadami pa ang mga sinehang magpapalabas sa mga indie movies. Mario Dumaual, Patrol ng Pilipino