Ara ‘not convinced’ by Cristine’s apology

Posted at Jun 25 2012 10:17 PM | Updated as of Jun 26 2012 12:48 PM

Sinikap ni Cristine Reyes na humingi ng dispensa sa ate niyang si Ara Mina sa “The Buzz” kahapon. Ito'y para matapos na ang pagdinig sa kasong libel at coercion na sinampa ni Ara sa kapatid bunsod ng paniningil ni Cristine ng utang umano ni Ara sa kanya.

"I tried my best na pumunta sa iyo, alam mo 'yan, ate. Sinabi ko pa sa 'yo, kung gusto mo, luluhod ako sa harapan mo. Sana lumambot na ang puso mo sa akin para sa ikakatahimik ng pamilya natin,” sabi ni Cristine.

Pero hindi pa rin maibibigay ni Ara Mina ang kanyang kapatawaran sa kapatid dahil mali umano ang klase ng pagso-sorry nito.

Sinabi rin nya sa TV Patrol, hindi niya nadama ang katapatan at tunay na panlulumo ni Cristine sa "scripted" niyang apology.

Na-offend din daw siya sa linyang ito ni Cristine na waring naghuhugas ng kanyang sala sa isyu.

Binatikos din sa Twitter world ang umano'y hilaw na apology ni Cristine.

Dinaan naman sa biro ng iba ang isyu.

Nauna nang hiningi ni Ara ang wagas na public apology mula kay Cristine para iurong niya ang mga kaso sa Quezon City.

“Dapat maramdaman ko na totoo talaga, hindi lang for the sake of media. Magkapatid kami, natural mag-aayos kami sa huli, pero sana humingi rin siya ng paumanhin sa mga taong dinamay niya,” ani Ara.

Gayunman, giit ni Ara, kapatid nya pa rin si Cristine at ipagdarasal pa rin daw niya ito at ang ganap na rekonsilyasyon ng kanilang pamilya at pag-urong ng kaso. Mario Dumaual, Patrol ng Pilipino