EXCL: Dolphy's former loves send prayers

Posted at Jun 22 2012 11:33 PM | Updated as of Jun 23 2012 10:13 AM

Nagpipigil ng emosyon ang dating nakarelasyon ng King of Comedy na si Alma Moreno nang ma-interview sa Cebu City.

Nag-aalala si Alma sa kundisyon ni Dolphy.

“Hindi ko kasi natutukan. Ngayon ko lang din nalaman na grabe, so na-shock din ako,” sabi ni Alma.

Huling bumisita si Alma kay Dolphy sa ICU noong Biyernes, bago pa ito malagay sa kritikal na kundisyon.

Walong taon ding nagsama sina Dolphy at Alma na nagbunga ng isang anak, si Vandolph.

“Nandoon ako sa ICU and, of course, naiyak din ako dahil nakita ko din si Vandolph umiiyak. Hinawakan niya ‘yung kamay ko, nakakakilala siya eh. Jino-joke ko pa siya, sabi ko, ‘Dolphy, si Ness ito. Tignan mo maganda pa din ako.’ Sabi ko lang na lakasan niya ang loob niya at kasama ko siya lagi sa mga dasal ko,” sabi ni Alma.

Plano ni Alma na bumalik sa ospital ngayon.

Hanggang sa Amerika, inaantabayanan ang balita sa kalusugan ni Dolphy.

Gaya ni Alice Smith na ngayon ay may-ari na ng isang restaurant sa Vallejo, California.

Nakilalang Pamela Ponti noong dekada 60 ang mistisang aktress.

Na-in love kay Dolphy at nagbunga ng apat na anak.

Sina Eric Quizon, Epi, Ronnie at Madonna.
 
Ikinalulungkot man ni Alice ang kalagayan ni Dolphy, sinabi niyang hindi siya handang humarap sa kamera.

Nagpaabot naman siya ng pahayag.

Nagpasalamat siya sa pagbuhos ng supporta at pagmamahal sa buong pamilya at hiling na ipagpatuloy ang pagdarasal sa kalusugan ni Dolphy.

Sana raw ay maunawaan ang kalagayan ng kanilang pamilya sa oras na ito.

Nagpasalamat din siya kay Zsa Zsa sa hindi pagbitiw sa paglingap kay Dolphy.

Gusto rin niyang makasama at madamayan hindi lamang ang mga anak kundi ang buong pamilya pati ang mga kapatid ni Dolphy na sina Auring, Josie at Laura.

Alam naman daw ng lahat ang buhay sa Amerika na ‘di madaling umalis sa trabaho.

Pero kung talaga raw kailangan ay makasama siya, gusto rin daw niyang nasa tabi ng pamilya. Marie Lozano, Patrol ng Pilipino