Prayers pour in for Dolphy's recovery

Posted at Jun 21 2012 11:28 PM | Updated as of Jun 22 2012 01:15 PM

Simula kagabi, wala nang patid ang pagdalaw dito sa Makati Medical Center ng mga kasamahan sa industriya ni Comedy King Dolphy.

Pasado alas-5 kanina, namataan nating paalis ng ospital si Superstar Nora Aunor na naging emosyonal pagkakita kay Pidol.

Dumating din ang mga nakatrabaho ni Dolphy sa pelikulang “Dolphy’s Angels” at kagabi naman ay dumalaw sa Ai-Ai delas Alas.

Malapit sa puso ng Reyna ng Komedya Ai-Ai delas Alas si Comedy King Dolphy, kaya emosyonal si Ai-Ai patungkol sa kritikal na kalagayan ngayon ni Pidol.

Kagabi, 20 minutong nanatili si Ai-Ai delas Alas sa kuwarto ni Dolphy sa intensive care unit ng Makati Medical Center.

Hindi man dinetalye ni Ai-Ai ang kundisyon ni Dolphy, kuwento niya, may binulong siyang madamdaming mensahe kay Pidol.

Naintindihan daw siya ni Dolphy bagaman ‘di raw nito kayang sumagot sa kanya.

“Sana ma-survive niya ‘yung pinapagdaanan niya at sana hindi siya mahirapan kasi ayokong nahihirapan siya,” sabi ni Ai-Ai.

Kaninang alas-5 ng hapon namataang paalis din si Superstar Nora Aunor.

“Parang hindi ko matanggap sa sarili ko na ganoon ang nakikita ko sa kanya,” sabi ni Nora.

Bago nito, dumalaw ang mga nakatrabaho ni Dolphy sa “Dolphy’s Angels” na sina Carmi Martin at Liz Alindogan.

“Parang nagwo-worry kami kasi sa TV lang namin napapanood,” sabi ni Liz.

Nakadalaw na rin sina direk Olive Lamasan Alcuin, bago nito ay bumisita rin ang ABS-CBN executives na sina Charo-Santos Concio at head of TV production Linggit Tan.

Nag-number one Twitter trending topic sa bansa ang katagang “pray for Dolphy.”

Ito’y matapos umapela ang anak niyang si Eric Quizon na ipagdasal si Pidol.

Bumuhos ang suporta sa pamilya kasama diyan ang ilang celebrity na umapela ring ipagdasal si Dolphy, tulad nina Sharon Cuneta, Jim Paredes, Anne Curtis at Smokey Manaloto.

Patuloy din daw ang pagpapadala ng pagkain at pagbati ng iba pang artista tulad nina Kris Aquino at Senador Bong Revilla.

Dagdag din sa mga bumisita sa ospital si Mila del Sol, Cesar Montano at Maricel Soriano.