Dolphy: I have no regrets

Posted at Jun 21 2012 11:10 PM | Updated as of Jun 22 2012 01:14 PM

Nang huli namin siyang makapanayam noong Pasko ng 2010 ay may karamdaman na si Dolphy.

Ngunit malinaw na nais niyang lumakas muli at ipagpatuloy ang kanyang nakagisnang propesyon sa harap ng kamera.

Pero aminado ang Comedy King na may mga limitasyon na siya matapos maisugod noon sa ospital.

“Mukhang OK, look good lang. Pero may limitation ang kilos ko, lahat ng kain ko. ‘Yung sakit ko medyo…kumbaga mahirap gumaling pero ang iniisip niyo dati parang ang lakas-lakas ko tapos biglang helpless ako,” sabi ni Dolphy sa isang panayam kay Korina Sanchez noong 2010.

Marami ang nabahala at nag-alala para sa Hari ng Komedya nang malamang may sakit siya.

At hindi sila masisisi ni Dolphy dahil ayon sa komedyante, may basehan naman daw ang pag-aalala ng publiko.

“Mahina ‘yung lungs ko eh, so isang pneumonia lang matotodas ka na ‘di ba? ‘Yung iba nga isa lang eh, hindi na nakakaulit. Ako, ilang beses na ako nagka-pneumonia,” sabi ni Dolphy.

Bukas na libro ang buhay pag-ibig niya na nagbunga ng 18 anak sa iba't ibang babae.

“He listens, not just to the sons and the daughters but to almost everyone who has a problem and he tries to be part of the solution,” sabi ni Epy Quizon.

“He really has a big heart. Talagang marunong siyang magmahal ng tao, hindi dahil pamilya lang, he has to share his time with other people as well,” sabi naman ni Ronnie Quizon.

“’Ang papa ko magaling makisama sa tao,” sabi ni Vandolph.

Pero, ang pinakamalaking naging hamon ay ang relasyon nila ni Zsa Zsa Padilla.

Muntik na ngang talikuran ni Dolphy ang kanyang career sa ngalan ng pag-ibig.

“Sa mga nanay ng mga anak ni Dolphy, we are all in good terms naman,” sabi ni Zsa Zsa.

Sa sari-saring dinanas niya sa buhay, wala raw ni isang pinagsisisihan si Dolphy.

“Wala akong pinanghihinayangan eh. Sobra-sobrang biyaya at tagumpay ang binigay sa akin ng Panginoong Diyos. Wala akong karapatan magreklamo at humingi ng kung anu-ano. Masaya ako sa naging buhay ko, sa career,” sabi ni Dolphy.

Ayon pa kay Dolphy, matagal na raw niyang pinaghandaan ang araw na sakaling kailangan na niyang mamaalam sa kanyang mga mahal sa buhay.

“Noong araw pa ako nagbibilin. Maski ‘yung mga iiwanan ko sa kanila, ayos na ‘yun. Sabi ko, ‘Huwag kayo mag-away-away.’ Very praktikal ako eh, maski nga ‘yung sementeryo, ako ang unang-unang bumili diyan eh. Ataul nga bumili na din ako eh. Noon pa ako bumili, mga 1960s pa yata ako bumili.”

“Kapag minahal ka ng tao, forever na ‘yun maski nasa kabilang buhay ka na. Kamuka ng album ko “Handog,” ‘yung kay Florante, napakagandang kanta eh, akmang-akma sa mga artista,” sabi ni Dolphy.