Dolphy’s kids to arrive from US

Posted at Jun 21 2012 11:13 PM | Updated as of Jun 22 2012 07:13 AM

Anim pang anak ni Dolphy ang hinihintay na umuwi dahil sa kritikal na kalagayan ngayon ng Comedy King.

Mula naman nang ipasok sa ospital si Dolphy, halos hindi na umalis sa kanyang tabi ang iba pa niyang anak na narito ngayon sa bansa.

Umuuwi lamang para maligo at magbihis ang mga anak ni Dolphy na nagbabantay sa ospital mula nang maging kritikal ang kondisyon ng Comedy King.

Ito ang kuwento ng isa sa mga nakatatandang anak ni Dolphy na si Rolly Quizon.

“Hindi kami naghihiwa-hiwalay. Umuwi man ang iba, babalik din kaagad and hindi na kami nag-aaksaya ng panahon na hindi namin siya makasama sa bawat sandali,” sabi ni Rolly.

Ayon kay Rolly, pinulong sila ng mga doktor at binigyan sila ng taning pero tila nalampasan na ito ng kanilang ama dahil sa patuloy siyang lumalaban.

Binubulungan daw nila si Dolphy na huwag munang bibitiw at hintayin pa ang mga kapatid nila.

“Mga 24 hours or 48 hours binigyan. Sana lang nga tumagal pa at darating pa ang ibang siblings ko,” sabi ni Rolly.

Labingwalo ang mga anak ni Dolphy, 11 ang nasa Pilipinas at anim ang nasa America.

Noong 2005, pumanaw ang anak niyang si Freddie.

Ayon kay Rolly, inaasahang uuwi ang panganay nilang si Boy bukas.

“Si Mariquit, may taga-San Diego, ‘yung father ni Boy 2,” sabi ni Rolly.

Pero hindi sigurado kung makakauwi rin ang iba pang kapatid na sina Rommel, Dino, Edwin at Carlos dahil sa mga trabaho sa America.

Tumanggi namang humarap sa camera si Vandolph na aminadong emosyonal siya ngayon.

Gayunman, nananatili siyang positibo lalo’t gumaganda ang kondisyon ng ama.

Mas napapabilib daw siya sa paglaban ni Dolphy sa sakit.

Ikinuwento rin niyang iyak nang iyak ang kanyang mommy na si Alma Moreno.

Nasa Cebu ngayon si Alma pero plano nitong bumisita kay Dolphy bukas.

Nasa ospital din ang ilan sa mga apo ni Dolphy.

Ang apo niyang si Rowell na anak ni Freddie, labis ang pasasalamat sa pagbuhos ng pagmamahal at suporta sa kanilang pamilya.

“Maraming maraming salamat po sa suporta niyong lahat. Sana po ituloy pa rin po natin ang pagdarasal na lumakas siya para makasama pa natin siya,” sabi ni Rowell.

Humarap na rin sa media ang anak nila ni Zsa Zsa Padilla na si Nicole, na umuwi pa mula sa Australia.

“It really helps lift the spirits of everyone in my family because 18 na nga kaming magkakapatid, it’s still a strong effort. [It’s overwhelming] to feel that the whole country is behind us, praying for my dad,” sabi ni Nicole.

Ayon sa kanyang mga anak, hindi matatawaran ang pagiging mapagkalinga niyang ama sa 18 anak.

Inaasahang dadating ang anak na si Boy bukas at sa Sabado naman darating si Mariquit.