Family asks for prayers for Dolphy

Posted at Jun 20 2012 10:50 PM | Updated as of Jun 21 2012 10:53 AM

Sabado, June 9, nang ipasok sa Makati Medical Center si Dolphy dahil sa sakit na pneumonia.
 
Mas nahirapan pa si Dolphy dahil sa sakit niyang chronic obstructive pulmonary disease o COPD kung saan nagbabara ang daluyan ng hangin sa kanyang baga.
 
Pero ayon sa pamilya, lumalaban ang King of Comedy.
 
Nitong Lunes lang, magandang balita ang inihayag ng napiling tagapagsalita ng pamilya na si Eric Quizon.

Tinanggal na ang meg ventilator ni Dolphy, ibig sabihin kaya na niyang huminga sa tulong ng oxygen.

Naikuwento pa ng anak ni Dolphy na si Ronnie Quizon na nagkasama pa sila noong Father’s Day.

Sa ospital, nakakapagbiro pa raw si Dolphy.

“Tatawa lang siya, minsan didila, gaganunin kami,” sabi ni Ronnie.

Hindi rin nawawala si Zsa Zsa sa tabi ni Dolphy.

“Zsa Zsa is physically tired pero she’s in good spirits... Dahil siya ‘yung pinakamatagal na mag-spend ng time doon so nakikita talaga niya ‘yung developments. In fact every time I see her lately, palaging may update eh,” sabi ni Ronnie.

Martes, patuloy ang pagbuti ng kundisyon ni Dolphy pero sinusubaybayan din ng doktor ang mahinang kidney niya. 

“Tinanggal na siya doon sa machine, ‘yung nagpa-pump ng oxygen sa system niya although hindi pa talaga tinanggal ‘yung tube. Ngayon nakakabit siya sa isang oxygen tank, which is good news because he is breathing on his own,” sabi ni Eric Quizon.

Bago mananghali, nag-text si Eric na kritikal ang kanyang ama at humihingi sa publiko ng dasal.

Kaninang hapon naman, ibinalitang sasalinan ng dugo si Dolphy ng B+ dahil sa mababang hemoglobin count. 

Pero hindi naman umano napakarami ang kailangan.

Hinintay din ng media ang medical update mula sa pamilya. 

Nandito halos lahat ng anak ni Dolphy at sabay-sabay pinulong ng mga doktor.
 
Dumating din ang anak-anakan ni Dolphy sa showbiz na si Maricel Soriano, pati iba pang malalapit na personalidad.

Sa ngayon ay hinihiling ng pamilya ang pagdadasal para kay Dolphy.