Indie film 'Sayaw' dominates Urian awards

Posted at Jun 15 2012 12:05 AM | Updated as of Jun 15 2012 08:05 AM

TV kontrabida, hunk, model-turned-actress at movie extra- turned-bida. Ito ang kakaibang halo ng mga nominadong artista sa ika-35 Gawad Urian Awards.

Pero may pagkakatulad ang lahat -- ang pagganap sa independent films, na siyang namayagpag sa Urian awards kagabi.

Anim na major awards ang hinakot ng "Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa" kabilang ang Best Film at Best Director para kay Alvin Yapan.

Best Supporting Actress si Jean Garcia. Best Supporting Actor ang Filipino-American na si Art Acuna na gumanap sa “The Kitchen Musical.”

Dalawang Kapamilya stars naman ang nakasungkit ng top awards. Best Actor si Paulo Avelino para sa "Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa." Siya ang estudyanteng na-in love sa dance instructor.

“Nag-blackout ako for a few seconds. Never ko talaga in-expect na manalo ako lalo sa kalibre ng mga artistang nominado,” ani Paulo.

Naiyak naman si Maja Salvador nang matanggap ang unang Best Actress award para sa pagganap sa “Thelma.” Aminado siya, iba ang inasahan niyang manalo.

“Si Ms. Eugene Domingo po. Sobrang idol ko siya at talagang pinanood ko ‘yung pelikula niya, at sobrang galing niya,” sabi ni Maja.

Para kina Maja at Paulo, malaki ang utang nila sa indie movies na siyang naging daan para makilala ang kakayahan nila sa pag-arte. Marie Lozano, Patrol ng Pilipino