Gloria Romero wants to be part of 'Palibhasa' remake

Posted at Jun 13 2012 09:50 PM | Updated as of Jun 14 2012 05:50 AM

Muling kinilala si Gloria Romero bilang icon ng walang kupas na ganda sa pasinaya ni Ricky Reyes at Miss Philippines Earth winners.

Naaalangan lang ang movie queen na mahanay sa mga beauty queen.

Ngayong maugong ang revival ng “Palibhasa Lalake,” excited si Gloria na gampanan muli ang lasenggerang tita nina Richard Gomez, Joey Marquez at Carmina Villaroel.

“Para sa akin, pinakamagandang sitcom ko ang ‘Palibhasa Lalake.’ Hindi ko makakalimutan si Joey, si Richard, si John. Mahal na mahal ko rin si Mr. M (Johnny Manahan). Imagine I worked with him for 14 years. Basta kailangan ako [sa show], why not? That would be fine,” sabi ni Romero.

Marami nang ginawang kakaiba si Gloria sa kanyang mahigit na 60 years na showbiz career.

Naging aswang na siya sa “Darna,” lolang sinukatan ng kabaong sa “Magnifico” at nagka-Alzheimer's sa “Tanging Yaman.”

Pero tuloy pa rin siya sa kayod.

Suwerte rin daw siya sa respetong ibinibigay sa kanya.

“They’re very kind. They’re so nice to us, senior stars. Magalang. Minsan tatayo pa lang ‘Tita, ihahatid na lang kita.’ Para bang akala nila hindi ko na kayang gumalaw, you know,” sabi ni Romero.

Wish lang niya mabigyang lunas ang kanyang vertigo ng stem cell treatment.

Balak nang magretiro ng 78-year old movie queen sa edad 80 pero bago 'yan ay gagawa pa raw siya ng maraming TV show at pelikula. Mario Dumaual, Patrol ng Pilipino