Mommy D shrugs off Pacman-Bradley memes

Posted at Jun 12 2012 10:02 PM | Updated as of Jun 13 2012 01:08 PM

Natawa lang si Mommy Dionisia sa mga ini-Photoshop niyang larawan sa Internet. Makikita rito si Mommy D na sobrang apektado sa pagkatalo ng anak.

“Basta sikat laging ganu’n, pero nakita naman sa lahat ng mga tao sa bilog ng mundo, lalo na dito sa Pilipinas, nakita naman nila kahapon pagtapos ng laban ni Manny, in-interview naman nila ako, hindi naman ako nalungkot,” sabi ni Mommy D.

Bukambibig pa rin ni Mommy D ang himutok sa umano'y 'di patas na desisyon ng mga hurado pabor kay Bradley. Idinipensa rin ni Pacmom ang anak sa sari-saring ispekulasyon kaugnay sa pagkatalo kay Bradley.

Giit pa ni Aling Dionisia, wala ring kinalaman ang paniniwala niya sa manggagamot na si Master Tom kaya natalo ang anak.

Pinuna rin kasi ng ilan ang paghalik ni Mommy D sa lupa, na umano’y impluwensya sa kanya ng manggagamot.

“Ang maniwala, mas mabuti, and hindi maniwala na tao, hindi ka sakay sa arko ni Noah eh,” ani Mommy D.

“Kahit ako mismo ay walang kinalaman. Noon pa naman, nanalo si Pacman eh, si Mommy D talaga siyang nagdadasal. Sinamahan ko lang siya sa kanyang pagdarasal,” sabi ni Master Tom.

Para kay Pacmom, kaakibat ng pagtibay ng pananampalataya ni Pacman ang mas matitinding pagsubok. Chat Ansagay, Patrol ng Pilipino sa GenSan