Sandara, 2NE1 rock Big Dome

Posted at Jun 06 2011 10:13 PM | Updated as of Jun 07 2011 01:21 PM

Produkto siya ng reality search sa Pilipinas. Mula sa Star Circle Quest ay sumikat bilang isang young star; pinasok ang pelikula at nagkaroon ng sariling album.

Siya si Sandara Park, kilala rin sa showbiz bilang si Krung-krung; dugong Koreano pero may pusong Pinoy.

Taong 2007, tila naglahong parang bula si Sandara.

Iniwan ang karera sa Pilipinas at bumalik sa Korea.

Hanggang sa hindi natin namalayan, si Krung-krung na minahal sa Pinas ay isa nang malaking bituin sa sarili niyang bayan.

Ganap nang dalaga si Sandara.

Ang dating baby, isa nang mahusay na performer, super sikat sa Korea.

At sa pagkahumaling ng mga kabataan sa K-pop sa Korea, sa ibang panig ng daigdig, kabilang ang Pilipinas, ay kung ilang ulit na rin tayong binisita ng mga grupong ito.

Noong Sabado, dumagundong ang Big Dome.

Pinuno ng grupo ni Dara Park na 2NE1 ang Araneta Coliseum.

Halos mapatid ang hininga sa tilian. Nagsisigawan ang fans. Parang masisiraan ng bait.

Kahit hindi naiintindihan ang lyrics ng mga kanta.

Hindi maipaliwanag ang kasiyahan ng fans pagdating ng 2NE1 sa bansa.