'Corona walkout was good script'

Posted at May 23 2012 11:03 PM | Updated as of May 24 2012 12:09 PM

Sa gitna ng mga duda sa tunay na medical condition ni Chief Justice Renato Corona, ipinaliwanag ng diabetic singer na si Gary Valenciano ang kundisyong hypoglycemia o biglang pagbaba ng sugar level na idinahilan ni Corona sa kontrobersyal niyang walkout umano.

“If that’s really exactly what happened, it’s very easy to understand, but I don’t know. I had six cans of soda that time I was testifying for the Hubert Webb case. My sugar dropped for the first time on the stand. I had six cans, ubos, because usually that would bring my sugar up, but the pressure – the mental and emotional pressure – brought it down,” sabi ni Gary V.

Kasalukuyang mino-monitor ang kalusugan ni Corona sa Medical City.

Duda naman ang diabetic ding si Bibeth Orteza sa kundisyon ni Corona dahil matutugunan naman daw ito ng agarang medikasyon tulad ng pagkain ng matamis. Ayon sa scriptwriter, sayang ang “script” ng eksena ni Corona kahapon.

“It had the makings of a good script, eh wala, inaway niya ang sarili niya eh. Sabi ni JPE, ‘di ba, from Day One, nobody’s allowed to walk out. I just didn’t think this was going to be the walkout. Akala ko rin best actor eh, ‘yun pala nominee lang,” sabi ni Orteza.

Nabastusan din si Tita Midz, kapatid ni Sen. Juan Ponce Enrile, sa pag-walk out ng chief justice sa impeachment trial.

"Presumido siya. Kabastusan ‘yun,” sabi ni Armida. “He’s (Enrile) pretty mad, I’m sure. Kahit na maliit na korte sa probinsya, hindi ka makakalabas hanggang hindi bina-bang ang gavel.”

Nakatrabaho ni Tita Midz si Corona nu’ng dekada nobenta sa MTRCB Malacañang Appeals Board na nagrerepaso ng desisyon ng MTRCB na i-ban ang ilang kontrobersyal na pelikula, kasama na ang pelikula ni Tita Midz na “Ligaya ang Itawag Mo sa Akin,” na ipinasa ni Corona na may mga putol na eksena.

Payo lang ni Tita Midz, tapusin ni Corona ang impeachment trial hanggang sa kahuli-hulihan. Mario Dumaual, Patrol ng Pilipino