‘Little Monsters’ flock to MOA Arena

Posted at May 21 2012 10:43 PM | Updated as of May 22 2012 11:58 AM

Kabayan, batay nga sa panayam sa dzMM sa local official kanina, depende nga raw sa magiging content o laman ng show ng concert ngayong gabi kung tuloy ang concert bukas.

Nakita natin mismo ang pagdating ni Lady Gaga dito sa The Arena.

Pero ngayong araw 'di napigil ng sobrang init man o ulan ang die hard Lady Gaga fans. Ang iba napakaaga pa lang ay pumila na, at ang ilang fans, nagsampol pa ng kanilang Lady Gaga song.

Mula sa porma, buhok at pagkanta, todo panggagaya sa pop icon na si Lady Gaga.

Isa na rito ang itinuturing na ambassador ni Lady Gaga sa bansa na si Lady Gagita.

Ilang buwan namang pinag-ipunan ng ilang fans ang ticket para panoorin ang multi-awarded Grammy singer.

First time magdaraos ng concert dito sa The Arena na pang-world class ang dating. Mayroon itong corporate suites, mala-hotel din ang dressing room at may LED ribbon din na pumapalibot sa buong arena.

Ito ay sa gitna ng panawagan ng ilang religious, political at grupo ng kabataan na i-boycott ang concert dahil na rin umano sa ilang Satanic symbols sa likod ng kanta ng singer.

Naglabas din ng saloobin ang international Pinoy singers.

“Para sa akin, I won’t watch the show. That doesn’t please my Lord,” sabi ni Martin Nievera.

Habang si Lea Salonga, hindi sya sang-ayon sa anumang censorship o banning ng musical artists.

Para rin kay Lea, ang kantang “Judas” ay malinaw daw na hindi para sa kabataan, pero hindi naman daw Satanista si Lady Gaga.

Ilang artista naman ang nag-anunsyo na manonood ng concert, gaya nina Vina Morales, Liezel Martinez, at iba pa.

Samantala, hindi naman masabi ng promoter kung kakantahin sa concert ang kontrobersyal na “Judas Song,” “Born This Way” o kung ipalalabas ang mga music video nito.

Ayon naman sa opisina ni Pasay Mayor Tony Calixto, posibleng di matuloy ang ikalawang concert bukas. Depende raw sa pag-monitor nila sa laman ng show ni Lady Gaga ngayong gabi, kung hindi ito magiging offensive umano sa religion, morals at good customs.