Jessica’s PH hometown celebrates

Posted at May 19 2012 12:10 AM | Updated as of May 19 2012 10:26 AM

Daig pa ang piyesta rito sa Samal, Bataan ngayong pasok na sa Top 2 ng “American Idol” ang kababayang si Jessica Sanchez.

Hindi lang public viewing kundi tugtugan at sayawan ang isinagawa rito sa plaza bilang pakikiisa sa patuloy na pakikipaglaban ni Jessica bilang susunod na “American Idol.”

Paggising ng mga kamag-anak ni Jessica Sanchez dito sa Samal, Bataan kaninang umaga ay magandang balita na agad ang gumising sa kanila.

Si Aling Tessie, hindi napigilang mapaluha nang malamang pasok na sa Top 2 ng “American Idol” ang pamangkin.

“Tuwang tuwa ako. Nako, Jessica, hindi ko inasahan kasi ang gagaling nila eh,” sabi ni Aling Tessie.

Kung tutuusin, hindi na raw inasahan ng mga pinsan ni Jessica na makakaabot siya sa finals ng “Idol” dahil sa naging sakit niya sa lalamunan noong huli nitong pagkanta.

Kaya naman doble ang selebrasyon nila ngayon.

“Kanina pa ako nagwawala rito sa office kasi nasa top two na,” sabi ni Catherine Bugay, pinsan ni Jessica.

“Magpupustahan pa nga sana kami kung papasok siya or hindi eh. Kaya noong sinabi niyo po na pumasok siya, talon kami nang talon,” sabi ni Erna Linmora, kamag-anak ni Jessica.

Kanina ay isang programa at public viewing ang isinagawa rito sa plaza para mapanood ng kanilang mga kababayan si Jessica.

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Samal, nakakasa na ang isang parada at street dancing sa Lunes para ipagdiwang ang pagpasok ni Jessica sa Top 2 at sa mismong finals sa susunod na linggo ay magkakaroon naman ng mas malaking public viewing ng live ng “American Idol.”

“Hindi lang siya pride ng Samal kundi ng buong sambayanang Pilipino,” sabi ni Samal Mayor Generosa dela Fuente.

Sa susunod na linggo, malalaman na ang susunod na “American Idol” pero anuman daw ang maging resulta, si Jessica Sanchez pa rin ang tanging kampeon para sa kanila.