Richard Gutierrez's driver caught overspeeding along Commonwealth

Posted at May 18 2011 11:23 PM | Updated as of May 19 2011 01:57 PM

Nagtungo sa tanggapan ng Metropolitan Manila Development Authority si Annabelle Rama kaninang umaga kung saan nakaharap niya ang MMDA enforcer na si Angelito Diendo na humuli sa driver niya.

Overspeeding daw kasi ang driver na si Loreto Figueroa sa Commonwealth Avenue kahapon habang sakay ang anak ni Rama na si Richard Gutierrez.

Nakunan ito ng video ng MMDA radar gun. Sixty kilometers per hour ang speed limit sa Commonwealth. Seventy nine kilometers per hour daw ang takbo ng sasakyan ni Gutierrez.

“Sabi ko nga si Captain Barbel ‘yan ah. Pagbaba niya ng [sasakyan], nakapagmura nga siya pero hindi niya minura na direct kami,” sabi ni Diendo.

Paliwanag ni Rama, nainis lang si Richard sa driver dahil sa traffic violation.

“Sabi ko sa kanya ‘Dong, kung gusto mo magpakamatay mauna ka na. Huwag mo idadamay ang anak ko,’” sabi ni Rama.

Napatawad na ni Anabelle si Figueroa na driver pa rin ng mga Gutierrez.

Samantala, pinulong naman kanina ng MMDA, Land Transportation, Franchising and Regulatory Board at Department of Labor and Employment ang mga bus operators kaugnay ng pagpupursiging gawing mas ligtas ang Commonwealth Avenue.

Ito ay matapos ang aksidenteng kumitil sa buhay ni UP professor Chit Estella Simbulan noong Biyernes.

Kabilang sa mga pinag-aaralan ngayon ang pagbibigay ng regular na sahod sa mga bus driver kapalit ng commission system, na sinasabing puno't-dulo ng maraming aksidente.

“Ang disadvantage noon, kapag napagod si driver, hihinto lang iyan doon sa isang tabi magpapahinga na,” sabi ni Juliet De Jesus ng Cher Transport.

Iinspeksyunin din ng MMDA at DOLE ang garahe ng mga bus operator para alamin ang kalagayan sa trabaho ng mga driver. Atom Araullo, Patrol ng Pilipino