Jessica wows Steven Tyler with Aerosmith song

Posted at May 17 2012 09:57 PM | Updated as of May 18 2012 05:57 AM

Sa top 3 performance night, medyo matamlay si Jessica Sanchez dahil sa kanyang sore throat.

Pinuri at binigyan siya ni Steven Tyler ng standing ovation matapos kantahin ni Jessica ang "I Don't Wanna Miss a Thing," awiting pinasikat ng Aerosmith.

Sinabi pa ni Steven na sa kanyang palagay, si Jessica ang matitira sa kompetisyon.

Kinanta rin ni Jessica ang "My All" ni Mariah Carey at "I'll Be There" ng Jackson 5.

Pero hindi gaanong napabilib ang judge na si Randy Jackson sa lahat ng performance ni Jessica.

Sumang-ayon sa kanya ang ilang Idol critics.

Sa kanyang lingguhang mensahe, sinabi ni Jessica na nakasalalay sa kanyang mga tagahanga kung makakasali siya sa finale.

“Just got off the stage, I got some mixed comments. I'm really fighting to be in the finale, you guys can make it happen so please, please vote. Love you guys so much,” sabi ni Jessica.

Samantala, isa pang galing-Pinoy ang namalas sa Idol stage.

Suot-suot ni Jessica ang gown na gawa ng Pilipino designer na si Oliver Tolentino.

Tagahanga ni Jessica si Oliver kaya nang mapili ang kanyang damit na isuot ng singer, tuwang-tuwa ang designer.

Dahil mas maraming papuri ang natanggap nina Joshua Ledet at Phillip Phillips sa mga kritiko ngayong linggo, sa mga social networks, abala ang mga fans ni Jessica sa pangangampanya.

Kung tatanungin ang mga Pinoy na tagahanga ni Jessica na linggu-linggo ay bumoboto sa kanya, si Jessica pa rin ang kanilang American Idol.

"We will continue to support her. As you can see there's a big following for her. We’re going to see her all the way to the top,” sabi ni David Villamil, isa sa mga tagahanga ni Jessica.

Bukas ay malalaman kung magpapatuloy si Jessica na lumaban sa finale sa isang linggo. Yong Chavez, Patrol ng Pilipino, Los Angeles, California