Claudine offers reward for full video of NAIA brawl

Posted at May 17 2012 12:05 AM | Updated as of May 17 2012 11:16 AM

“I'm hurting. I'm so sad.”

Ito ang maiksi pero makahulugang pahayag ng ina ni Claudine na si Inday Barretto.

Ito ang unang pagkakataon na humarap si Inday sa media kasunod ng naging away nina Claudine at Raymart Santiago at ni Mon Tulfo.

Kasama ang asawang si Mike, umalalay si Inday kay Claudine sa hearing para sa temporary protection order ng dalawa laban kina Ben, Raffy at Erwin Tulfo.

“Natatakot lumabas without us eh,” sabi ni Inday.

Emosyonal si Claudine habang nagbibigay ng pahayag sa korte. Hindi niya kasama si Raymart na busy daw sa taping ng kanyang programa.

Pero hindi rin nadesisyunan ang kanilang petisyon dahil sa reklamo ng abogado ni Erwin Tulfo na hindi sila sinabihan tungkol sa pagdinig.

“Nagbaka-sakali lang ako dito because someone called me up. Ano ba ang due process? That the respondents shall have the right to be heard, to be furnished a copy of the petition or complaint,” ani Nelson Borja, abugado ni Erwin Tulfo.

Hindi naman nasorpresa ang kampo ng mga Tulfo sa pahayag ni Claudine tungkol sa insidente.

Maiksing parte lang daw ng nangyari ang nakikita sa video na kumalat sa social media. Pero ito ang bumubuo sa malaking bahagi ng opinyon ng publiko. Kaya ngayon, nag-aalok ang mag-asawang Santiago ng pabuya sa sinumang magbibigay ng video ng buong pangyayari.

Hindi sinabi ng kampo nina Raymart kung magkano ang pabuya pero mag-aambag-ambag daw ang kanilang mga kaibigan para mabuo ito. Jenny Reyes, Patrol ng Pilipino