Coco Martin hailed Urian's 'Aktor ng Dekada'

Posted at May 12 2011 11:01 PM | Updated as of May 13 2011 07:01 AM

Nagpatingkad pa sa reputasyon ni Coco Martin bilang isa sa pinakahusay na aktor ng kanyang henerasyon ang paggawad sa kanya ng Urian Aktor ng Dekada award.

Dagdag ito sa humahabang listahan ng mga parangal ni Coco mula sa local film scene at international film festivals.

Ikinatuwa ng “Minsan Lang Kita Iibigin” star ang pagkilala lalo't bagito pa rin siyang maituturing sa industriya.

"Napakabata ko para tumanggap ng ganu'ng award... Kumbaga bilang baguhang artista, napakapalad ko," sabi ng aktor.

"Marami siyang mga palabas na talagang maituturing natin na award-winning performances," sabi naman ni Gigi Alfonso, miyembro ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino.

De kalibre rin ang susunod na proyekto ni Coco. Siya ang napipisil na bagong leading man sa comeback movie ni Judy Ann Santos.

"Actually, nae-excited ako nu'n kasi never pa kaming nag-meet. Excited akong makilala siya nang personal, lalong-lalo na makatrabaho," ani Coco.

Bibigyan parangal naman bilang Aktres ng Dekada sina Cherry Pie Picache at Gina Pareño.

Bibigyang-pugay din ang 10 Pelikula ng Dekada kabilang ang tatlong pelikula ni Direk Billante Mendoza.

Gaganapin ang 34th Gawad Urian Awards Night sa May 17 at mapapanood sa Cinema One sa May 22. Ginger Conejero, Patrol ng Pilipino