Raymart, Claudine to file child abuse case vs Tulfo

Posted at May 08 2012 11:25 PM | Updated as of May 09 2012 07:59 AM

Iika-ikang dumating si Claudine Barretto sa press conference ng asawang si Raymart Santiago kaugnay ng pakikipagsapakan nito kay Mon Tulfo.

Dahil umano sa stress, hindi pinayagan ng mga abogado si Claudine na magsalita.

Pero panay ang iyak niya habang pinapanood ang pahayag ni Tulfo at sa kahabaan ng press conference ni Raymart.

Giit ni Raymart, pinoprotektahan lang niya ang asawa dahil sinipa umano ito ni Tulfo.

“Black belter daw siya ng ewan ko kung anong style. Bakit mo gagamitin sa babae na walang kalaban-laban? Bakit niya kailangan saktan ang asawa ko, eh kahit lamok nga ayaw ko padapuan diyan, tapos sisipain lang niya,” sabi ni Raymart.

Matindi rin daw ang dinanas na trauma ng kanilang mga anak.

“Lalo na ‘yung bunso, very protective siya sa nanay niya. Galit na galit siya, tinatanong niya, ‘Where's that man? Is he in jail?’ For a four-year old na sinasabi ‘yun, very traumatic eh,” sabi ni Raymart.

Kaya bukas, bukod sa kasong physical injury ay balak nilang sampahan ng kasong child abuse si Tulfo.

“For the physical violence na na-sustain ni Claudine at ‘yung emotional violence naman na na-experience ng mga bata na sa harap nila ay sinasaktan ang kanilang ina,” sabi ni Atty. Alex Avisado, abogado nina Claudine at Raymart.

Aminado naman si Raymart na natakot siya sa paghahamon at pagbabanta ng magkakapatid na Tulfo sa kanilang programa sa telebisyon kahapon.

“Bakit? Hindi naman siya ang kaaway ko, hindi naman siya ang nanakit sa asawa ko. Hindi natin siguro matatanggal ‘yung takot pero natural na reaksyon ‘yun eh, na kapag may nag-threaten sa iyo, matatakot ka,” sabi ni Raymart.

Pinag-iisipan pa ng kampo ni Raymart kung idedemanda rin sina Ben, Raffy at Erwin Tulfo dahil sa ginawa nilang paghamon at pagbabanta sa kanya. Jenny Reyes, Patrol ng Pilipino