'Walang Hanggan' craze hits streets

Posted at May 01 2012 10:41 PM | Updated as of May 02 2012 06:41 AM

Bata o matanda, tutok na tutok sa panonood sa nakadadala at minsa'y nakakikilig na eksena sa hit seryeng "Walang Hanggan."

Kagabi, sa paglilibot ng TV Patrol, tigil-pasada ang mga tsuper ng taxi at traysikel, sadyang itinaon nila ang kanilang hapunan sa oras ng “Walang Hanggan.”

Pati waitress, napapatigil.

Hindi naman nagrereklamo ang customers sa restaurant na kinikilig naman sa panonood lalo na sa mga eksena ng mga karakter nina Dawn Zulueta at Richard Gomez bilang Emily at Marco, at Coco Martin at Julia Montes bilang Daniel at Katerina.

“Maganda siya tapos nakaka-in love,” sabi ng isang taga-subaybay.

“Idol ko po si Coco Martin. Sobrang ganda po ng show kaya ‘di namin puwedeng palampasin,” ani pa ng isa.

Nahuhumaling din ang mga manonood lalo’t pakiramdam nila sila ang mga bida sa serye.

“Si Katerina kasi may pagka-tweetums. Nakikita ko ‘yung sarili ko sa kanya. Natutuwa lang ako, pakipot,” anang isang tagasubaybay.

“Kasi po nakaka-relate po kami. Natutuwa kami kina Coco Martin at Julia Montes kasi po ang cute po ng tandem nila,” sabi pa ng isa.

Walang bumibitiw dahil mas gumaganda ang mga tagpo sa serye.

Kagabi nabunyag na kay Nathaniel na magkasama ang asawa niyang si Katerina at Daniel. Iinit pa ang tagpo, dahilan para abangan pa ang serye ngayong linggo lalo't ibubunyag na ang totoong katauhan ni Daniel. Marie Lozano, Patrol ng Pilipino