'Goin' Bulilit' alumnus shine on primetime

Posted at Apr 25 2012 01:03 AM | Updated as of Apr 25 2012 09:03 AM

Maldita -- ito ang karakter bilang Andrea ng dating child star na si Kristel Fulgar.

Big break ito kay Kristel na sumalang sa malaking eksena katapat ang batikang aktor na si Christopher de Leon.

“Kinabahan po ako lalo na po ‘yung sampalan scene namin ni Mr. Christopher de Leon. Kahit po masakit, wala na po akong pakialam, basta magawa ko po nang maganda” ani Kristel.

Nahasa sa pagganap sa “Maria Flor de Luna,” ipinagmamalaki ni Kristel ang pamamayagpag ng mga dating kasabayan sa “Goin’ Bulilit” na sina Julia Montes at Kathryn Bernardo.

“Natutuwa nga po ako ngayon kasi una po ‘Princess and I,’ ‘Walang Hanggan,’ susunod ‘Dahil sa Pag-Ibig,’ tapos bigla na lang po akong lumitaw so parang naging kasabayan ko na rin sila,” ani Kristel.

Bibung-bibo naman ang bida ng fantaseryeng “Wako Wako” na si Yogo Singh. Sunud-sunod din ang endorsement ng Kapamilya child star.

Nadiskubre si Yogo ni Direk Mario J. delos Reyes. Ayon sa batikang direktor na siyang nakadiskubre kay Jiro Manio, plano niyang gawan ng pelikula ang Kapamilya star.

Maagang nakamit ang kasikatan, pero maaga ring nasalang sa realidad ng buhay si Yogo. Ulila sa ama, kaya tanging ang inang si Jennifer lang ang kinalakihan ng aktor.

Sa kabila nito, nanatili naman mapaglarong bata si Yogo na sinasalamin sa karakter niya sa “Wako Wako.”
“Nag-iba ako. Siguro mas gumaling. Kaunti lang,” ani Yogo.

Para kay Direk Mario J., magaling na aktor si Yogo at malaki ang potensyal niyang maging best child actor din balang araw. Marie Lozano, Patrol ng Pilipino