Fil-Am heads to 'The Voice' quarterfinals

Posted at Apr 20 2012 10:11 PM | Updated as of Apr 21 2012 09:52 AM

Nagkaroon ng biglaang tanggalan sa singing contest na "The Voice" ngayong linggo kung saan, gaya ng “American Idol,” sinusubaybayan din ng mga Pilipino dito sa America ang pakikipagsapalaran ng isang Pilipina.

Lumalaban pa rin sa quarterfinals ang 21 anyos na si Cheesa Laureta.

Aminado siyang hirap siyang mapansin ng Hollywood.

Taong 2007 nang minsan niyang ibigay ang panayam na ito sa programang "Pinagmulan" ng The Filipino Channel.

Nagsisimula pa lang sila noon ng kapatid niyang si Troy na kumanta sa Hawaii.

Nakilala ang kanilang singing duo na A2C sa mga pagtitipon ng Filipino community.

"We sing soulful music,” ani Troy.

"And we take old music and create our own style,” sabi ni Cheesa.

“It's what we love. We don't really want to do the songs of today, we like to take songs from back then,” dagdag pa ni Troy.

Bumisita ang magkapatid noon sa Pilipinas para sundan ang kanilang pangarap. Saglit silang napanood sa MYX channel ng ABS-CBN.

Nagbigay din ng live performance para sa kanilang mga kaanak at kaibigan sa Pilipinas, kasama ang isang local band.

“This experience taught me more about my culture and made me realize how much family does mean to me, and how much I do love the land where my parents came from,” ani Cheesa.

Sa kanyang madamdaming reunion sa tiyahing nagpalaki sa kanya sa Cebu, pinangako ni Cheesa na isang araw, maipagmamalaki siya ng kanyang pamilya.

Bago pa sumikat sa “The Voice,” noon pa man, alam na ng mga ito, na natupad na ang kanyang pangako. Nadia Trinidad, Patrol ng Pilipino