Ara on rift with Cristine: I'm dying inside

Posted at Apr 18 2012 11:37 PM | Updated as of Apr 19 2012 10:12 AM

 

Walang tigil ang pagtangis  ni Ara Mina nang isampa niya kanina sa Quezon City Fiscal's Office ang mga kasong libel at grave coercion laban sa kapatid niyang si Cristine Reyes.

 

Labag daw ito sa kanyang kalooban, pero hind na raw niya masikmura ang masasakit na text sa kanya ng kapatid.

 

Kaugnay ito sa utang umano ni Ara kay Cristine na halos P2 milyon para sa isang townhouse na binili nila sa Quezon City noong 2011.  

 

“Mahal ko siya eh, pero kailangan niyang maturuan ng leksyon,” sabi ni Ara. “Masakit sa ’kin ‘tong gagawin ko kasi sikat siya ngayon, ayoko siyang masira, pero masyado na niyang hinahamak ‘yung pagkatao ko.”

 

Tinakot pa raw siya ni Cristine na sisiraan kapag hindi niya binigay ang kanyang SUV at iba pang gamit bilang pambayad-utang. Masakit din kay Ara ang binitawang salita ni Cristine tungkol sa kanyang puri at pagkababae.

 

“Sana pataying na lang niya ako. Parang wala akong magandang nagawa sa kanya. I’m sure magagalit sa ’kin mommy ko kasi sabi niya pagpasensyahan ko na, kaya lang, oo nga, ate ako, pero lagi ba akong magpapasensya?” sabi pa ni Ara.

 

Isinumite rin ni Ara ang mga affidavit ng ibang pribadong tao na nakatanggap ng mga mura umano sa text ni Cristine.

 

Isa lang din ang gustong linawin ni Ara: wala siyang hininging danyos sa kapatid.

 

“Ang kasikatan, nawawala. Pero ‘yung pamilya mo, kapatid mo, nandyan lang parati. And sobrang happy ako sa kanya, pero hindi ko na ma-take talaga. Pagod na ako magtakip ng ugali niya, mag-pretend na we’re OK, but it’s not. I’m dying inside,” sabi ni Ara.

 

Sa panig naman ni Cristine, giit ng manager niyang si Veronique del Rosario, aantayin nila ang opisyal na kopya ng reklamo bago mag-isyu ng panig ng aktres.

 

Sisikapin din daw nilang pag-ayusin ang magkapatid na magkasama rin sa VIVA Entertainment. Mario Dumaual, Patrol ng Pilipino