Family wants to donate AJ's eyes to blind singer

Posted at Apr 18 2011 09:40 PM | Updated as of Apr 19 2011 05:40 AM

Ipinanganak na bulag si Fatima Soriano. Sa kabila nito, lumaki siyang masayahin, positibo at higit sa lahat malapit sa Panginoon.

Sobra-sobra ang pasasalamat ni Fatima nang malamang gustong i-donate sa kanya ng pamilya ni AJ Perez ang mga mata nito.

"Thank you po kasi without ever meeting you and kami po, hindi niyo kami kilala personally. We are very grateful po," ani Fatima nang tanungan ng mensahe para sa pamilya ni AJ.

Pagkakataon lang ang nangyari: Pinanonood kasi ng ina ni AJ ang interview ni Boy Abunda kay Fatima sa “Bottomline” nang maaksidente ang anak.

"Pinag-pray po ako doon ni Mr. Boy Abunda, tapos sumabay 'yung mother ni AJ. Pagkatapos na pagkatapos nga daw po ng dasal tinawagan na po siya nung husband niya at sinabing nagka-accident at wala na nga daw po si AJ," kuwento ni Fatima.

Tumawag daw ang ABS-CBN Star Magic sa pamilya ni Fatima noong Linggo, para sabihin ang balitang gustong ibigay sa kanya ang mga mata ni AJ.

Ayon kay Fatima, hinihintay nila ang desisyon ng kanyang doctor na nasa Amerika kung puwede siyang magpa-eye transplant. Hindi daw kasi lahat ng bulag ay puwede sa ganito.

"Kung ano man 'yung will ni Lord, magawa man o hindi, sinu-surrender na lang po namin," aniya.

Ito'y gaya ng biglaang pagpanaw ni AJ, ipinauubaya niya daw sa Diyos ang lahat.

"Let's believe po na he's now in a better place, na 'yung wala nang pain, wala nang sorrow," aniya.

Dagdag pa ni Fatima: Balang araw magkikita-kita rin tayong lahat sa kabilang buhay. Niña Corpuz, Patrol ng Pilipino