Lilia Cuntapay to attend int’l festival in Italy

Posted at Apr 17 2012 10:53 PM | Updated as of Apr 18 2012 06:53 AM

“Sana po matulungan ako, mabigyan ako ng project.” Noong isang taon lang, ito ang simpleng hiling ng naghihikahos na horror extra na si Lilia Cuntapay na unang ipinalabas sa TV Patrol.

Ngayon, sa edad na 76 ay patunay si Lilia na hindi pa huli na magkaroon ng isang "Cinderella moment."

Ipinasilip ni Lilia ang hot pink gown na disenyo ni Avel Bacudio.

Isusuot niya ito sa kanyang unang red carpet sa Far East Film Festival sa Udine, Italy.

Naimbitahan dito ang pelikula niyang “Six Degrees of Separation From Lilia Cuntapay” at ang "Ang Babae sa Septic Tank" ni Eugene Domingo.

Emosyonal si Lilia lalo’t hindi niya kailanman inakala na matapos manalong Best Actress sa Cinema One ay makakatapak pa siya sa isang international film fest.

“Itong edad ko na itong 76, would you believe na mag-gaganoon-ganon pa ako na naka-gown and that is also for an ocassion in Italy,” sabi ni Lilia.

Gusto ni Lilia na magsilbing inspirasyon na walang pinipiling edad ang big break.

“Sa totoo lang ipokrita ako kung hindi ako na-feel na parang hindi talaga ako pinapansin sa mga nakaraang panahon. Ang maiiwan ko na pangaral o alaala sa kanila, ang young generation today ay magtiyaga ka, magtiis ka,” sabi ni Lilia.

Sa tanong kung ano pa ang gustong makamit ni Lilia, ito ang sinabi ng aktres: “Ang gusto ko ngayon, sana lahat kayo huwag magbago sa akin. Nandyan lang po ang suporta niyo sa akin.”

Dadalhin si Lilia ng Cinema One sa Italy sa April 25. Ipinagdarasal ni Lilia na makapag-uwi ng parangal para sa bansa. Marie Lozano, Patrol ng Pilipino