Isabel Oli accuses house helper of theft

Posted at Apr 17 2012 11:14 PM | Updated as of Apr 18 2012 03:31 PM

Pormal nang nagsampa ng kaso sa National Bureau of Investigation (NBI) ang artistang si Isabel Oli laban kay Lorna Balila, ang kasambahay na apat na buwang nanilbihan sa kanila.

Ayon kay Oli, habang abala ang kanyang pamilya sa kanyang amang naospital ay umalis si Balila sa kanilang bahay noong Linggo ng gabi at hindi na bumalik pa.

“Sabay lahat nawala eh siya lang naman ang may access sa room ko. [Nawala] ang camera ko, pera ko and pera ng sister-in-law ko and watch ng daddy ko,” sabi ni Oli.

Umabot sa P100,000 halaga ng gamit at pera ang tinangay ng suspek.

Ayon kay Oli, inirekomenda ng kanyang make-up artist si Balila.

Nalaman din niyang ninakawan din diumano ng suspek ang dati nitong among artista pero hindi na nagsampa ng reklamo.

“Sana lang talaga mahuli siya kasi ayaw kong mabiktima pa niya ang ibang tao diyan. Sa akin, medyo malaki ang nawala pero ayaw ko lang na mabiktima niya pa ang ibang tao,” sabi ni Oli.

Payo ng NBI, kung kukuha ng kasambahay ay hindi dapat umasa lamang sa rekomendasyon.

Mas mabuti diumanong hingan ito ng NBI o police clearance.

“Eventually ganyan ang nangyayari. Nawawala na lang ang katulong at nawawalan na rin ng kagamitan ang kanilang amo,” sabi ni Atty. Irvin Garcia ng NBI.

Pinaghahanap na ngayon ng NBI si Balila.

Sa sinumang nakakaalam ng kanyang kinaroroonan ay maaaring tumawag sa hotlines ng NBI. Niko Baua, Patrol ng Pilipino