“Pinoy Summer, Da Best Forever" station ID launched

Posted at Apr 16 2012 10:28 PM | Updated as of Apr 17 2012 12:20 PM

Napapawi ang init ng summer, at napapalitan ng saya. Ito ang eksena sa “Pinoy Summer, Da Best Forever,” ang summer station ID ng ABS-CBN.

Ito ang unang music video collaboration nina Sarah Geronimo at Gerald Anderson. Tampok sa summer ID ang pakikisaya ng Kapamilya stars sa samu't saring pista sa buong kapuluan.

Bumida rito ang mga bigatin, pinakamaiinit, mga bago, at nagbabalik-Kapamilya.

Bukod sa pinakamagandang destinasyon at tanawin, ipinamalas ang pinakaimportanteng kayaman ng bansa—ang mga Pinoy.

Bukas sa pagtulong at laging handang makisaya tulad ng “It’s Showtime” hosts na nakiisa sa mango-eating contest sa Guimaras.

Ibang klase rin ang saya sa Flower, Bangus Festival at street dance na pinatamis pa ni Angel Locsin. Nag-fire dance si KC Concepcion, at majorette si Bea Alonzo.

Ipinakita rin ni Piolo Pascual ang seksing katawan sa mapangahas niyang cliff diving.

Nakisaya ang ABS-CBN News and Current Affairs sa station ID at tumulong sa prusisyon ang TV Patrol anchors na sina Noli de Castro, Ted Failon at Korina Sanchez.

Layon ng summer station ID na ipakita ang "tunay na kulay" ng Pinoy summer. Marie Lozano, Patrol ng Pilipino.