EXCL: Fil-Am makes it to 'The Voice' semifinals

Posted at Apr 09 2012 11:54 PM | Updated as of Apr 10 2012 12:57 PM

Maraming pinagdaanang pagsubok si Cheesa bago naging isa sa Top 24 contestants sa "The Voice," ang sumisikat na singing competition sa Amerika.

Para makamit ang pangarap, lumipat ang pamilya ni Cheesa sa Los Angeles mula sa Hawaii.

Pero sa mahal ng bayad sa bahay, napilitan silang gawing nursing home ang kanilang tirahan.

Dahil nawalan ng kuwarto ay sa garahe pansamantalang tumira sina Cheesa.

Anim na taon na siyang nagbabakasali sa Hollywood at ngayon lang nakamit ang big break.

Bata pa lamang ay kumakanta na si Cheesa, nahasa sa pagpe-perform sa mga Pinoy events.

"I just hope that I can be an inspiration to other people,” sabi ni Cheesa.

Ipinanganak at lumaki sa Hawaii, pero ang kanya ama ay taga-Maynila at ang ina ay tubong-Cebu.

Hindi pa kasingdami ng kay Jessica Sanchez ang Pinoy fans ni Cheesa pero inaasahang madadagdagan ang kanyang mga tagasuporta umpisa sa Lunes dahil makikita na siya ulit sa show para sa Top 24 elimination rounds.

Si Cheesa ay pinili mismo ng music superstar na si Cee Lo Green para sa kanyang team sa "The Voice.”

“I love Cee Lo. I respect him artistically and as a person,” sabi ni Cheesa.

Magaganap ang “The Voice” finale ngayong Mayo pero para makasali rito, humihiling ng suporta at boto si Cheesa sa mga kababayan. Yong Chavez, Patrol ng Pilipino, Los Angeles, California