MTRCB members inhibit from Willing Willie probe

Posted at Apr 08 2011 10:23 PM | Updated as of Apr 09 2011 09:36 AM

Matapos ang mainit na bangayan kahapon sa pagdinig ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa child abuse case ng show ni Willie Revillame, boluntaryong nag-inihibit ang 3 miyembro ng komite.

Kasunod ito ng pagkwestiyon ng abugado ng host sa pagiging patas ng mga miyembrong sina Atty. Eric Mallonga, Leah Navarro at ang Chaiperson ng komite na si Eugenio Villareal.   

“Atty. Villareal, his wife is employed by ABS-CBN. Leah Navarro, who on internet, already pre-judged this case. In Twitter sinasabi niya Willie did wrong. Ang Atty. Mallonga, he’s the head of the Bantay Bata which is funded by the ABS-CBN,” sabi ni Atty. Leonard De Vera, abugado ni Willie Revillame.

Sa pahayag ni MTRCB Chairperson Grace Poe Llamanzares, sinabi niyang bagama't walang kwestiyon sa integridad ng mga miyembro ng komite, malungkot niyang tinanggap ang kanilang pag-inhibit para alisin ang pagdududa sa kanilang magiging desisyon.

Agad pipili ang MTRCB ng bagong mga miyembro ng komite.

Suportado naman ng Catholic Bishop's Conference of the Philippines (CBCP) ang isinasagawang imbestigasyon.

Sobra ang kanilang pagkadismaya sa pagsayaw diumano nang malaswa ng 6-anyos na batang si Jan-Jan habang pinagtatawanan ng mga manonood.

Hinamon nila ang media na magpatupad ng hakbang para maiwasan ang pang-aabuso sa batang contestants.

Matapos naman ang pull-out ng Mang Inasal ad ng Jollibbee Foods Corporation at Procter and Gamble, nanindigan na rin ang ibang advertisers.

Ititigil na rin muna ng Cebuana Lluillier Management ang kanilang sponsorship sa programa simula sa susunod na linggo hangga’t hindi pa nareresolba ang alegasyon ng child abuse.

Inanunsyo rin ng Nutri-Asia, maker ng UFC, ang suspensyon ng kanilang ad placements sa “Willing Willie.”

Ito’y matapos diumano ang malaliman nilang pagtataya sa isyu at pagpulso na rin sa damdamin ng publiko.

Malaking hakbang naman ang ginawa ng Uniliver Philippines nang i-pull out nito ang ad placements sa lahat ng live game shows sa lahat ng TV networks.

Hiniling nilang aktibong makialam ang Philippine Association of National Advertisers para magbalangkas ng mas mahigpit na patakaran.

Makailang-ulit namang tinawagan ang TV5 para sa kanilang panig kaugnay sa ad pullout at pag-inhibit ng miyembro ng MTRCB pero wala pa silang inilalabas na pahayag.

Una na nilang iginiit na maglalabas lang sila ng pahayag sa oras na may desisyon na ang board. Jing Castañeda, Patrol ng Pilipino