Agencies asked to pull out ads from Willie's show

Posted at Apr 06 2011 11:56 PM | Updated as of Apr 07 2011 12:37 PM

Sa umpisa pa lang ng mainit na issue ukol sa child labor sa show ni Willie Revillame, dismayado na ang isang consumer rights group sa umano'y hindi pagsaalang-alang ng advertisers sa nilalalaman ng show na kanilang sinusuportahan.

Sa sulat ng grupo sa Philippine National Association of Advertisers o PANA, hiniling nila na pansamantalang itigil ang ad placements sa programa ni Willie.

Ayon sa PANA, ipapaubaya nila sa advertisers ang desisyon sa isyu.

Ipinaaalala nila na layunin ng organisasyon na itaguyod ang proteksyon sa mamimili at paghubog ng kagandahang asal.
        
Sa Facebook, tumugon ang Jollibee Foods Corporation. Nanindigan sila para sa interes ng mga bata.

Hindi raw muna sila maglalagay ng ad placements ng produkto nilang Mang Inasal sa programa habang iniimbestigahan ang kaso. Kinumpirma rin ito ng korporasyon sa ABS-CBN News.
   
Ayon sa liham ng TV5 sa Movie and Television Review and Classification Board, wala silang intensyong mang-abuso ng  sinuman.

Una nang iginiit ng producer ni Willie na mali ang mga akusasyon sa kanila.

Ani Jay Montelibano, business unit manager ng "Willing Willie": "There was really no child abuse committed by Willie or the program. We treat our contestants with respect, regardless of age and gender."

Inumpisahan na rin ng network ang paglatag ng mas mahigpit na panuntunan sa kanilang show para sa mga bata, at pagtalaga ng internal Ombudsman.

Ayon naman sa MTRCB, agad silang aaksyon sa isyu.

"Gagawin namin ang lahat upang magkaroon ng mabilis ang resolusyon , pero isang resolusyon na makatarungan para sa lahat," sabi ni Eugenio Villareal, head ng MTRCB adjudication committee.

Itutuloy naman sa Huwebes ng MTRCB ang pagdinig sa kaso kontra sa show at kung papatawan ito ng suspensyon o kanselasyon ng programa. Mario Dumaual, Patrol ng Pilipino