Amalia asks for quiet time to mourn

Posted at Apr 04 2012 10:49 PM | Updated as of Apr 05 2012 06:49 AM

Hindi raw ang pulang damit ang nagpasiklab ulit ng galit ni Amalia Fuentes kay Annabelle Rama. Payo naman ng ilang showbiz veterans, sumama na lang ang dalawa sa spiritual retreat ngayong Semana Santa. Nagpa-Patrol, Mario Dumaual. TV Patrol, Abril 4, 2012, Miyerkules

Habang ginagawang pulutan ang palitan ng maaanghang na salita nina Amalia Fuentes at Annabelle Rama sa Twitter, iginiit naman ni German Moreno na dapat mag-ayos na ang kanyang mga kaibigan alang-ala sa Kuwaresma.

Sana daw ay mag-“peace be with you” na sila para na rin sa kanilang pamilya lalo na sa mga apo na nasa showbiz din.

Hinikayat din ni Pempe Rodrigo, tagapagtaguyod ng grupong Balik-Samahan ng mga veteran stars, na sumali na lamang sina Amalia at Annabelle sa kanilang Lenten retreat ngayong gabi sa San Carlo Seminary sa Guadalupe, Makati. Sana raw maayos na ang sigalot at bigyang daan ang pagpapatawad.

Ayon naman kay Alfie Lorenzo, wala siyang papanigan sa away ng mga kaibigan. Hindi raw ito ang unang pagkakataon na nagkaalitan ang dalawang kasama.

Ang isa pa nilang kontrobersyal na kaibigang si Daisy Romualdez, tulad ng dati, magkakabati rin daw sila.

Sa huli niyang pahayag, nilinaw ni Amalia Fuentes na hindi ang pagsusuot ni Annabelle ng pulang damit sa burol ng kanyang ex-husband na si Joey Stevens ang kanyang kinakagalit kundi ang presensya ni Annabelle sa okasyon, gayong alam naman niyang hindi siya welcome sa burol.

Mabuti pa raw si Eddie, hindi nagpunta at nirespeto ang kanyang damdamin.

Ayon naman kay Annabelle, ang totoo'y kaibigan talaga nila ni Eddie si Stevens at nagpunta siya sa burol bilang respeto. Galit lang daw si Amalia sa kanya dahil hindi niya sinabi dito ang nalalaman niya sa ibang karelasyon ni Joey.

Hihintayin ni Annabelle ang desisyon ni Eddie kung magsasalita pa siya sa isyu.

Nakiusap naman si Amalia na bigyan siya ng panahong magluksa at magnilay ngayong Semana Santa. Mario Dumaual, Patrol ng Pilipino