ABS-CBN News

Vilma Santos supports Taal church restoration

Posted at | Updated as of 04/04/12 6:52 AM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Isinulong ng ilang artista ang turismo sa pagkilala sa mga makasaysayang simbahan sa bansa. Panata naman ni Governor Vilma Santos ang restorasyon ng pinakamalaking simbahan sa Asya. Nagpa-Patrol, Mario Dumaual. TV Patrol, Abril 3, 2012, Martes

Ngayong Semana Santa, paborito ng mga deboto ang makasaysayang mga simbahan, hindi lamang sa makulay nilang asosasyon sa turismo at showbiz, kundi dahil na rin sa daan-daang taong pananampalataya ng mga Pilipino.

Inspirasyon din ng Miss Saigon lead star na si Ima Castro at iba pang alagad ng sining ang magdadalawang siglong simbahan na St. John the Baptist Church sa Tiaong, Quezon.

Hindi nakalimutan ng mga anak ng Tiaong na lingunin ang kanilang espirituwal na inspirasyon sa matulaing bayang kanilang pinagmulan.

“Nagsimula po ang aking singing career dito sa simbahan. First Holy Week ulit after being away for ten years,” ani Castro.

Lalong naging grandiyoso ang simbahan ni San Martin sa Taal, Batangas sa pagsisikap ng mga Taalenyo na manumbalik ang ganda ng pinakamalaking simbahang Katoliko sa Asya na itinayo noong 1756.

“Itinuturing ang Batangas na isang prayer and meditation capital of the South. ‘Yung altar po noon, silver ‘yun, the only one din yata sa Asia,” sabi ni Batangas Governor Vilma Santos.

Panata naman ni Governor Vilma Santos na suportahan ang restoration project ng national shrine.

“Sabihin na nating maraming iba-ibang relihiyon, pero at the end of the day, Diyos pa rin natin ang sinasamba natin, ang Creator natin,” ani Santos. “At nagkataong ako’y isang Katoliko, kaya a little token or contribution, kahit ano, whether spiritual, financial, maibibigay mo. Iyan ay parte ng aking paniniwala."

Nananampalataya ang mga alagad ng sining, mas titibay pa ang debosyon ng mga tao. Mario Dumaual, Patrol ng Pilipino