Hanson, LMFAO stage concerts in Manila

Posted at Mar 30 2012 09:54 PM | Updated as of Mar 31 2012 05:54 AM

Labinlimang taon mula sa hit na “Mmmbop,” ito na ang bagong tunog ng bandang Hanson na binubuo ng magkakapatid na sina Isaac, Taylor at Zac.

Balik-bansa ang tatlo makalipas ang walong taon para iparinig sa Pinoy fans ang kanilang bagong musika.

Nalibot man nila ang mundo, tumatak ang mga Pinoy fans na ibang klase raw ang talento sa pagkanta.

“I was really blown away, their pitch and singing ability were really impressive,” sabi ni Isaac.
 
“In general have the best singing voices as a country. It really is more like a choir than an audience,” sabi naman ni Zac.

Marami na ang nagbago sa trio, mas mature ang look at lahat sila may mga asawa’t anak na.

Pero hindi raw magbabago ang dedikasyon nila sa musika na inaasahan nilang mamahalin muli ng fans.

Matapos ang matagumpay na Concert ng Bayan, kung saan naki-jamming ang Pinoy rock bands, magro-rock out din para sa Pinoy fans ang ‘90s Irish rock band na The Cranberries sa April 10 na naghatid ng chart-topper na “Zombie.”

Tuloy ang concert party sa April 11 ng American electro-pop duo na LMFAO. Sila ang boses sa likod ng party hits na ”Party Rock Anthem” at “Sexy and I Know It.”

Love songs naman ang hatid ng Grammy award-winning artist na si Olivia Newton John.
   
Dalawang dekada na mula nang malampasan ni Newton-John ang sakit na breast cancer.

Ngayon, balik-entablado ang survivor para buhayin ang kanyang hits tulad ng “Hopelessly Devoted to You” sa concert bukas sa Araneta. Ginger Conejero, Patrol ng Pilipino