Jiro Manio done with rehab

Posted at Mar 28 2012 10:15 PM | Updated as of Mar 29 2012 01:26 PM

Sa lalim sa pag-arte, agad napukaw ng dating child actor na si Jiro Manio ang atensyon ng industriya ng showbiz.

Umani ng napakaraming parangal si Jiro at sa edad na 10, siya ang naging pinaka-batang Best Actor ng Gawad Urian.

Pero maaga rin ang matitinding hamon sa buhay ni Jiro dala ng paglaki sa mata ng publiko.

Disisais anyos nang maging batang ama si Jiro.

Huling nagpakitang-gilas si Jiro sa Kapamilya seryeng “Tayong Dalawa.”

Pero aminado si Jiro, bigla siyang napariwara dahil sa droga at kinailangang pumasok sa rehab noong Marso noong isang taon.

Ngayon, bagong-buhay na si Jiro. Natapos na niya ang rehab, at sa kanyang sariling kagustuhan, natapos rin niya ang high school.

“Matataas naman ang aking mga grades,” ani Jiro.

Bukas na ang graduation ng ex-child actor mula sa Rizal Experimental Station and Pilot School of Cottage Industries sa Pasig.

Naniniwala si Jiro na hindi niya ito magagawa kundi sa suporta ng mga mahal sa buhay.

“Pagpapasalamat sa Diyos, sa pamilya, sa aking mga kaibigan na sumusuporta pa rin sa akin sa kabila ng ako ay mapasok sa rehab ay naandun sila. Hindi nila ako iniwan sa ere,” sabi ni Jiro.

Plano rin ni Jiro na magbalik-showbiz pero naghihintay pa aniya siya ng proyekto.

“Wala pa, wala pang sinabi. For the meantime, magpapahinga muna ako sa bahay,” aniya.

Nasubok man si Jiro ng magulong mundo ng showbiz, naniniwala siyang pinagtibay lamang siya ng karanasan. Umaasa siyang muli yayakapin ng industriyang kinagisnan. Marie Lozano, Patrol ng Pilipino