Indie film director contests Cinemalaya disqualification

Posted at Mar 07 2012 10:40 PM | Updated as of Mar 08 2012 06:40 AM

Ang titindi ng mga reaksyon ngayon sa Internet sa kontrobersyal na disqualification ng black comedy na “MNL 143” ng batang direktor na si Emerson Reyes sa Cinemalaya film fest.

Na-disqualify ang project dahil umano sa ‘di pagkakasundo ni Reyes at ng festival officials sa casting.

Sinalag ng founder ng festival na si Tony Boy Cojuangco ang isyung walang kalayaan ang Cinemalaya dahil sa pandidikta umano ng mga katiwala niyang sina Laurice Guillen, Robbie Tan at Nes Jardin sa mga filmmakers.

Giit ni Cojuangco, lahat sila, may memorandum of agreement na sinusunod.

“We're actually trying to smoothen the environment by which they will operate by requiring, including financing, casting, sequencing, para hindi na sila mahirapan,” ani Cojuangco.

Ayon naman kina Reyes at kanyang producer, sumunod sila sa patakaran.

"Thankful po kami diyan sa pera kasi siyempre malaking tulong 'yan para sa 'min, pero kasi pumasok po kami sa Cinemalaya knowing that we will create the film of our dreams," ani Reyes. "Dumaan po kami sa proseso na gumawa ng treatment, gumawa ng screenplay, dumaan sa panel, so siguro bigyan na nila ang filmmakers ng karapatan doon."

"Kung may nakikialam po nang ganyan, na gusto nila ng commercial viability, eh hindi na po 'yun independent."

Kumukonsulta na sina Reyes kay Atty. Jose Manuel Diokno sa demandang ihahain nila sa Cinemalaya.

Hindi naman nababahala rito si Cojuangco.

Hindi naman umubra ang apela ng mga direktor na sina Joey Reyes, Joel Lamangan, Loy Arcenas at iba pa na mag-usap ang mga partido para sa ikabubuti ng Pinoy indie cinema.

“If he's very headstrong about his position, it will take weeks or months to compromise, hindi niya matatapos 'yung film, so what's the point?” ani Cojuangco.

“Isinuka na po kami eh, bakit pa po kami babalik doon? Ipinaglalaban na po namin dito is 'yung pagiging independent talaga ng Cinemalaya." Mario Dumaual, Patrol ng Pilipino