ABS-CBN News

Sharon stumbles during song number in own birthday concert

Posted at | Updated as of 01/13/11 10:36 AM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Opening number pa lang, ginulat ni Sharon Cuneta ang lahat sa kanyang bigay-todong performance sa "Mega Birthday Concert" sa Araneta kagabi.

Muli ring narinig ang hits hango sa pelikula ni Mega na inawit ng hottest teamups nina Piolo Pascual at KC Concepcion, Karylle at Jericho Rosales at Toni Gonzaga at Sam Milby.

Natatanging pagtatangahal naman ang ginawa ng malalapit sa puso ni Mega. Bumalik rin mula Amerika ang Asia's Nightingale Lani Misalucha.

Bigatin ang production number ng BFF ni Sharon na si Comedy Queen Ai ai delas Alas.

Makapigil-hininga ang air dance ng Mega Daughter kasama si Sam Milby. Naglambitin ang dalawa sa ere nang walang harness.

“For me, I think my part is easier than KC,” ani Milby.

“Sabi ko nga, lahat ng pagod, pawis at pati pasa sa hita, lahat 'yun para kay Mama,” sabi naman ni Concepcion.

Sunod-sunod ang mga song and dance number ni Mega pero nabigla ang lahat sa kalagitnaan ng concert biglang natapilok at bumagsak si Mega.

Hindi naman naawat ang saya. Tuloy sa pagsayaw at nagbiro pa si Mega.

“Ako lang may kaya noon,” pagbibiro ni Mega.

Finale ang medley nila ni Sarah Geronimo at pagsasama-sama nila sa stage ng kanyang buong pamilya.

Pero backstage, dumaing ng sakit sa likod at leeg si Mega at biglang nahilo. Dumating ang medics at ambulansiya at isinugod si Sharon sa ospital.

“Pagod lang. She’s fine, nothing wrong with her physically because of the fall,” pahayag ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan, asawa ni Sharon.

Mas humanga naman ang Sharonians dahil kahit may iniinda, hindi itinigil ang concert. Ipalalabas ang kabuuan ang “Mega Birthday Concert” sa January 23.

Sa pahayag ng manager ni Sharon, halos walang kinain ang Megastar noong araw ng kanyang concert dahil sa excitement, mataas din ang blood pressure ng singer. Kaya naman nawalan sya ng balanse at bumagsak sa stage. Dumaan na sa iba’t ibang pagsusuri si Sharon at cleared ang resulta nito. Nagpapasalamat ang Megastar sa lahat ng pagmamahal at nagdasal para sa kanya. Marie Lozano, Patrol ng Pilipino