Bahay sa Gensan, sinusunog ng mga engkanto?

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2017 12:21 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Pinag-uusapan ngayon sa Purok Cahilsot sa Barangay Calumpang sa General Santos City ang isang bahay na umano'y ginugulo ng mga engkanto. 

Maging ang mga kapitbahay, naalarma rin sa hindi raw nila maipaliwanag na pangyayari.

Ilang araw nang nagkakagulo ang magkakapitbahay sa Gumamela Street sa Barangay Calumpang. Usap-usapan ang bahay ng pamilya Amoguis na tinirhan nila noong 1979 pa.

Kuwento ng anak ng may-ari ng bahay, ilang araw na silang hindi nakakatulog ng maayos. Ginugulo raw sila ng mga laman-lupa sa bahay.

Hindi nila maipaliwanag ang pagkakaroon ng apoy sa kanilang bahay.

Kahit binasa na ang mga kuwarto, bakas pa rin ang sunog. Sinunog umano ng mga engkanto ang upuan at kama. Damay din pati aparador at sewing machine.

Muntik din daw masunog pati ang cabinet ng bahay.

Sabi ng residenteng si Ian Amoguis, gusto raw silang paalisin sa bahay.

Sabi niya sana raw hindi na sila guluhin pa.

Noong una, ayaw ding maniwala ni Ben Bartebonia sa nangyayaring kababalaghan sa bahay ng kapitbahay.

Naghinala siyang kagagawan lang ito ng kanilang lola Magdalena Amoguis pero nadiskubre niyang umaapoy ang bahay kahit wala ang matanda.

Para kay lola Magdalena, hindi niya iiwanan ang kanyang debosyon.

Napatunayan din ni Bernin Gesite na hindi si lola Magadalena ang nanununog dahil siya raw mismo ang nakakita sa biglaang paglabas ng apoy.

Nagsasalitan ang mga residente sa pagbabantay para sa posibleng pagsiklab ng hindi maipaliwanag na apoy. Sa tulong ng pari, nabendisyunan na ang buong bahay.
 
Umaasa ang pamilya Amoguis at mga kapitbahay nila na matigil na ang panggugulo ng umano'y mga engkanto. – Umagang kay Ganda, 2 November 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.