Kuwentong kababalaghan: Lalaking may di pangkaraniwang kaibigan

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2017 12:06 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Hindi pangkaraniwan para sa isang tao ang magkaroon ng kaluluwa bilang kaibigan gaya ng isang lalaki na hindi nilubayan ng isang nilalang hangga't di sila nagiging magkaibigan.

Lumaki sa masaya at maayos na pamilya si “Hoven” pero isang nakagigimbal na pangyayari ang kanyang naranasan noong sya ay walong taong gulang: ang makakita ng white lady.

“Una ko siyang nakita sa may bahay namin sa may puno ng kamias,” sabi ni Hoven.

Lumipas ang taon, lumala pa ang mga makapanindig-balahibo niyang karanasan nang makakita ng kapre, duwende at paring pugot ang ulo.

Bali-balita sa kanilang lugar ang pagpapakita ng diumano’y white lady na nakikisakay sa tricycle. 

Pero ang hindi niya alam, siya pala ang lalaking sinasabayan ng white lady.

Ang dati niyang kinatatakutang white lady ay naging kaibigan niya kinalaunan.

May nakapagsabi sa kanya na hindi normal para isa isang tao na magkaroon ng kaluluwa o nilalang bilang kaibigan kaya idinulog ito sa paranormal psychic na si Stargazer para bigyang kasagutan ang mga katanungan ng lalaki.

Nakausap diumano ni Stargazer ang kaibigang white lady ni Hoven at tinawag niya sa pangalang Raquel.

Nakiusap si Stargazer na magparamdam ito kaya biglang nagtahulan ang mga aso sa paligid at ang alagang aso nina Hoven tila umurong ang dila, nanahimik at nakatanghod sa pintuan na nagmamasid.

Nahintakutan at nagulat si Stargazer dahil ang malambing na boses ng diumano'y white lady, nagbago at napalitan ng malakas at galit na boses.
 
Ayon kay Stargazer, ang galit at umiiyak na boses ng lalaki na sumanib sa katawan ni Hoven ay ang kapreng dating nakatira sa pinaputol na puno ng mga magulang ni Hoven.

Nawalan ito ng tirahan kaya ngayon, nais niyang iparamdam kay Hoven ang kanyang galit.

Kuwento ni Stargazer, bata pa lamang si Hoven, ginagabayan na siya ng sinasabing white lady.

Hanggang ngayon, nananatili at mananatili umanong magkaibigan si Hoven at ang umano'y white lady. – Umagang kay Ganda, 1 November 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.