'Budget' ng ERC para sa buong 2018: P1,000

ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2017 01:04 AM | Updated as of Sep 07 2017 03:26 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Tumataginting na P1,000 ang inaprubahang budget ng Kamara para sa Energy Regulatory Commission (ERC) sa taong 2018. 

Tadtad daw kasi ng kontrobersiya at akusasyon ng katiwalian ang ERC kaya hindi dapat bigyan ng malaking pondo.

Kaya naman nanawagan ang mga commissioner ng ERC sa kanilang suspendidong chairman na si Jose Vicente Salazar na tuluyan nang magbitiw sa puwesto para maiwasan ng ahensiya ang pagkakaroon ng maliit na pondo.

Nangangamba maging ang mga tauhan ng ERC na mawalan ng trabaho sa susunod na taon. 

Paano nga naman kasi mapapasuweldo ang 300 empleyado sa P1,000 budget para sa isang buong taon?

Umaasa ang mga commissioner ng ERC na lulusot pagdating sa Senado at sa bicameral committee ang panukalang P365-milyong budget ng kanilang ahensiya.

Anila, kung mapapako talaga sa P1,000 ang budget ng ERC, maaapektuhan ang serbisyong ibinibigay nila sa publiko.

Kabilang sa mga tungkulin ng ERC ang pagbusisi sa singil ng kuryente sa buong bansa.

Kaya kinakabahan maging si Senate Energy Committee Chairman Win Gatchalian na malalagay sa alanganin ang suplay at presyo ng kuryente kapag tinapyasan nang husto ang budget ng ERC.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.