Tuta sa kotseng inararo ng cement mixer, inaaruga ng BJMP

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2017 12:14 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Nasa pangangalaga muna ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang tutang nakaligtas mula sa kotseng nayupi matapos madaganan ng tumagilid na cement mixer sa Mindanao Avenue, Quezon City nitong Martes, Agosto 15.

Ayon sa BJMP, lumabas ang tuta nang maalis ang ginang na sakay ng kotse.

Sinubukan daw isama sa ambulansiya ng mga tauhan ng BJMP ang aso pero hindi pumayag ang rescue team.

Inaalagaan muna nila ang aso at kanina ay humingi sila ng tulong na maiparating sa pamilya na nasa kanila ang tuta.

Isang kamag-anak ang dumating para kunin ang aso.

Pero hindi ibinigay ng BJMP ang aso sa kaanak at nagdesisyong sila na lang ang mag-aabot sa may-ari.

Kuwento ng nagpakilalang kaanak na si Teresa Carrasco, papunta sa mall ang pamilya Ramos nang mangyari ang insidente.

Aniya, maayos na ngayon ang lagay ng mag-iina na nagtamo ng mga galos at sugat.

Nakaburol naman ang labi ng kanilang padre de pamilya na si Ulysses Ramos sa isang funeraria sa Quezon City.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.